Advertisers
HINDI nagdalawang-isip ang isang medical frontliner na pansamantalang iwan ang kanyang tungkulin upang maalagaan ang kanyang misis na may COVID-19.
Sa ulat, di lamang isa kundi pangalawang beses na ng misis nito na si Karen Abat-Senen na magkaroon ng virus.
Matatandaang si Karen ang doktorang napakanta sa sobrang saya dahil naka-recover na siya sa virus, subalit ilang araw lamang mula nang makalabas sa ospital ay muli na naman siyang nagpositibo.
Dahil dito, kinailangang ibalik muli sa ospital ang doktora lalo na at mas naging malala ang tama ng virus sa kanya sa pangalawang pagkakataon.
Sa kanya mismong Facebook, makikita ang update kungsaan nabanggit na “more severe” ang kalagayan ng doktora sa pangalawang beses na pakikipaglaban niya sa covid at nangangailangan na sila ng plasma donors upang mas mapabilis ang pagpapagaling nito.
Kaya naman nagdesisyon na ang mister ni Karen na si Jerome na alagaan ang misis sa laban nito sa COVID-19.
Nagsilbing tirahan narin ni Jerome ang ospital para lamang masubaybayan ang araw-araw na kalagayan ng kanyang misis.
“Nagdadasal ako. Paulit-ulit na dasal, paulit-ulit na pagtawag sa Taas. Humihingi ako ng saklolo. To the point na sabi ko Lord, I surrender everything. Kayo na po ang bahala kay Karen,” pahayag ni Jerome.
Sadyang mas mahirap magkaroon ng COVID-19 sa pangalawang pagkakataon, ayon sa mga eksperto dahil tulad ng nagaganap kay Dra. Karen, mas pinahihirapan siya nito.
Kinailangang ipasok sa intensive care unit ang doktorang nahirapan nang huminga na isa sa mga epekto ng kinatatakutang virus.
Sa kabila nito, patuloy na nagpapakita ng katatagan ang mag-asawa lalo na at hindi iniwan ni Jerome si Karen lalo na sa ngayon na matindi ang pinagdaraanan nito.
Masasabing buwis-buhay talaga ang serbisyong ibinibigay ng medical frontliners natin sa laban kontra COVID-19.
Kamakailan, nanawagan ang ilang doktor sa National Capital Region na kung maaari ibalik kahit na dalawang linggo lamang sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang rehiyon upang kahit paano’y mapigilan ang patuloy na paglobo ng bilang ng COVID-19 sa bansa.
Aminado rin sila na nakararamdam na sila ng pagod sa araw-araw na pakikibaka sa mga ospital at karamihan narin sa kanila’y tinatamaan ng virus tulad ng nangyari kay Dra. Karen.