Advertisers

Advertisers

BIKTIMA SI DIGONG NG OLIGARKIYA

0 1,520

Advertisers

GAYA ng ating inaasahan, binatikos ng mga kritiko ang talumpati ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ika-5 State of the Nation Address nito ng nakaraang Lunes, July 27.

Anila, wala silang nakitang kongkretong hakbang para lutasin ang pandemyang COVID-19, kawalan ng trabaho; inakusahan nila na incompetent, traydor si Duterte at may sumigaw na kailangan na itong patalsikin sa Malakanyang.

Ang inaasahan nating malaking protesta-rally na malawak na ipinanawagan ay hindi nangyari, at “masisisi” rito ang malaking banta ng coronavirus na patuloy ang pagtaas ng mga nagkakasakit, namamatay at salamat din, marami ang nakababawi ng lakas at gumagaling.



Latest update sa ating bansa — 98,232 confirmed cases; 2,039 deaths; 65,265 recovered, at 30,928 active cases as of August 1.

***

Inupakan ni Presidente Digong sa bungad ng talumpati niya si Senator Franklin Drilon at ang ABS-CBN, aniya, “I am a casualty of the Lopezes during the 2016 election.”

Hindi raw niya ipinagtatanggol ang oligarch na si Lopez, sagot ni Drilon, sabi niya, ang idinedepensa niya ay ang 11,000 nawalan ng trabaho sa pagkasara ng ABS-CBN at ang “freedom of the press.”

Sabi ni Duterte, mamamayani ang kasamaan kung papayagan natin na mangibabaw ang kasakiman at ang pansariling interes.



Umabot na sa 4.3 million poor families ang kinalinga ng Pantawid Pamilyang Program, at patuloy na nakapagbibigay ng ayuda sa kalusugan at pinansiya ang 75 Malasakit Center sa buong bansa, na brainchild ni Sen. Bong Go.

Muli ay iniutos ng Pangulo na pabilihin at pagaanin ang proseso ng pagkuha ng mga business permits at iba pang dokumentasyon sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan.

Hindi humihinto ang gobyerno sa pagbibigay proteksiyon sa karapatan ng mga bata at kabataan, sabi ng Presidente, at palalakasin ang kampanya laban sa anomang uri ng child labor.

Pinasalamatan niya ang military, police, pati ang security guard sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa panahon ng COVID-19 pandemic; pinuri at pinasalamatan ang local government units (LGUs) sa ginawang sariling mga hakbang at mabisang paraan na tugon sa pandemya at ang pakiusap, iwasan ang masamang politika at hangarin ang kabutihan at kaginhawaan ng lahat.

Upang matulungan ang low income at mahihirap, nagpondo na siya ng P2.5 billion tulong laban sa COVID-19; at naglaan na rin ang gobyerno ng financial aid sa mahigit na 650,000 tao sa formal sector; kasama ang 110 OFWs sa ibang bansa; ang Tupad projects ay nagbigay ng pagkakakitaan, kahit pansamantala lamang sa 83,000 OFWs nakabalik na sa bansa; at binibigyan na rin ng panggastos ang mga senior citizen.

Inutusan na rin ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magbigay ng free seminar at training sa OFWs at magbigay ng iskolarship ang Commission on Higher Education sa kuwalipikadong dependent ng pamilyang OFWs.

Bukod dito, inutusan ni Duterte ang Landbank at iba pang ahensiya ng gobyerno na magpautang na may mababang interes at tulungan ang Agriculture at Trade and Industry na tulungan ang mga OFWs na gustong magtayo ng negosyo.

 

Inutusan din ng Pangulo ang Bangko Sentral ng Pilipinas na bigyang palugit sa pagbabayad ng utang — nang walang patong na interes at penalties — ang mga maliliit na negosyante.

 

***

 

Pinuri at pinasalamatan ni Duterte ang mga mambabatas sa pagpapasa ng Bayanihan To Heal As One Act na tumugon sa maraming problemang dala ng COVID-19 pandemic; ang bilyon-bilyong pisong itinustos sa ayuda sa lahat ng naapektuhan ng pagkawala ng trabaho at paghinto ng galaw ng industriya at negosyo.

 

Inengganyo ng Chief Executive ang lahat na tumulong sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga lokal na turismo.

 

Aniya, itataguyod ng pamahalaan ang Consumer and Data Protection para sa kapakanan ng kaligtasan ng mga Filipino at inutusan niya, ang lahat ng LGUs at sangay ng pamahalaan na alisin na ang “pila system.”

 

Itataguyod niya ang paperless transactions sa gobyerno nang mabawasan ang anomalya, sobrang dami ng rekisitos at pahirap sa mga mamamayan, gawa ng “red tape.”

 

Wala muna ang “face-to-face teaching, “hanggang walang bakuna laban sa “veerus”; sabi niya: “I cannot put the lives of our teachers and students at risk.”

 

Nagbabala ang Pangulo sa Smart Communications at Globe Telecom na pahusayin, pabilisin ang serbisyo hanggang Disyembre; at kung hindi ito magagawa, gobyerno na ang magpapatakbo sa telecommunications.

 

Banta ni Duterte, “Better have that line cleared.”

 

Palalagyan niya ng maaasahang serbisyong kalusugan ang malalayo at nakahiwalay na barangay dahil mag-eempleyo ang gobyerno ng mahigit sa 20,000 health professionals.

***

Napakahalaga ng internet access sa lahat ng larangan sa siyensiya, edukasyon, politika, negosyo, komersiyo, at iba pang aspeto sa buhay ng ating bansa.

Ang pagpapahusay at pagpapabilis ng internet connectivity ay hindi na kailangan pang ipagpabukas.

***

Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.