Advertisers
IBINASURA ng Malakanyang ang panawagan ng Philippine College of Physicians at 39 pang mga medical societies na muling ilagay ang National Capital Region (NCR) sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, tapos na maisilbi ang layunin ng pagpapatupad ng istriktong lockdown sa NCR at ang kinakailangan ngayon ay paigtingin ang iba pang istratehiya para malabanan ang pagkalat ng 2019 coronavirus (COVID-19).
Giit ni Roque na hindi umano sapat ang community quarantine para gamitin bilang pagtugon sa banta ng COVID-19.
Ayon pa kay Roque, ito ang dahilan kaya pinalalakas ng pamahalaan ang kapasidad ng mga pagamutan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga COVID-dedicated beds kasabay ng pagkuha ng mas maraming doktor, nurse at iba pang medical personnel. Saad pa ni Roque, naging bahagi ng diskusyon sa pagitan ng mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang desisyon na pagpapanatili ng General Community Quarantine (GCQ) sa NCR mula Agosto 1 hanggang 15.
Sinabi pa ni Roque na nauunawaan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hirap sa pagkakaroon ng balanse sa pagitan ng public health at ekonomiya. (Josephine Patricio/Vanz Fernandez)