Advertisers
NAKAKAGULAT ang biglang pagbabago ni Presidente Rodrigo Duterte, mula sa pagkakakilala nating tulad sa isang mabangis na tigre ay biglang nangayupapa at nagmistulang tuta na nabahag ang buntot.
Kung dati-rati, lahat na yatang mapagdidiskitahan nitong lider ng estado sa mundo, maging pinuno ng anumang sektor, relihiyon at kaparian ay pinatitikim nito ng malulutong na mura,ngunit pagdating sa usaping China ay halatang bigla itong nanlambot, malaki ang pangingimi at mababang-mababa ang tono ng salita ni Digong.
Halata na ayaw na ayaw nitong magtatampo sa kanya si Chinese Leader Xi Jinping, na mag-isa nitong kinaibigan, ngunit isinusumpa at kinamumuhian naman ng milyong-milyong Pinoy. Bakit nga ba Tatay Digong?
Pagsusumamo din nito kay XI Jinping, bigyan ng prayoridad ang ating bansa na mabigyan ng bakuna laban sa COVID 19 sakaling magkaroon na ang mga kompanyang Tsino ng nasabing gamot.
Hindi na si Digong ang dating ini-idilo ng inyong lingkod, hinahangaan dahil sa pag-asang tutuparin ang pangakong sasakay ito ng jetski at mag-isang maglalakbay patungo sa isa sa mga pulo ng pinag- aagawan sa West Philippine Sea, upang idambana ang ating watawat at ipakita sa mga Intsik na ating pag-aari ang naturang isla.
Marami ding naipabuwal na drug pusher at adik sa kanyang madugong kampanya kontra-droga si Digong, ngunit di naman iilan ang nadamay na inosente at walang malay na mamamayan. Sabagay, maaari namang maipapaliwag ito at mauunawaan ng kanyang mga mamamayan.
Ngunit “Huwapelo nangako na tutuparin pa?” Ganito ang resulta ng pangako ni Digong, napako ang pangako.
Nakapanlulumo at hindi naman simpleng maipaliliwanag ang ginawang pag-amin ni Digong ang inihayag nito sa kanyang 5th State of the Nation Address (SONA) na siya ay mistulang inutil at wala nang magagawa laban sa Beijing sa paghahabol sa ating teritoryo at likas na yaman sa West Philippine Sea.
Dahil malakas daw ang armas ng China at nasa kanilang posisyon ang ari-arian ay wala tayong laban sa mga Intsik, at hindi naman natin kayang makipagdigmaan laban sa China.
Aniya pa maaring ang ibang magiging pangulo ay magagawang makidigma laban sa Intsik ngunit sa ganang kanya ay di niya ito makakaya.
Lumitaw ang kahinaan ni Tatay Digong, duwag pala ito kapag tulad ng makapangyarihang China ang haharapin para ipagtanggol ang kanyang soberanya at teritoryo. Totoo ba ito Tatay Digong, Bakkeett?
Malayo at malaki ang pagkakaiba nito sa mga lider ng mga bansang Indonesia, Vietnam at Taiwan na nanatiling matatag na naninindigan laban sa pagkagahaman ng China, ngunit wala namang giyera na naganap?
Taliwas din ito sa paninindigan ng milyon-milyong mga Pinoy na dapat ay kanyang pinaglilingkuran, tulad din ng paniniwala ng inyong lingkod, handa at walang takot tayo na magbuwis ng buhay kung kinakailangan, di takot sa digma para sa pagtatanggol sa ating kasarinlan.
Kung hindi makakaya ni Digong na manindigan para ipagtanggol ang kanyang estado, lalo itong malabong magagawa ng hinahasa nitong anak para maging Pangulo din ng bansa.
Isang lamang tipikal na Pinay si Sara “Inday” Duterte, babaing-babae, kaya kung malambot ang paninindigan ng kanyang Tatay, ano pa naman ang dapat nating asahan kay Inday?
Magiging katwiran ng sambayan ay magiging katulad din ito ng kanyang Tatay na di kayang makipagsugal laban kay Kamatayan alang-alang sa kasarinlan ng bansa.
Marami na tayong naging Pangulo ng bansa, naranasan na nating pamunuan ng isang mekaniko, mayamang negosyante, simpleng maybahay, pinuno ng militar, guro at abogado, lahat na yatang uri ng lider ay humawak na ng renda ng ating pamahalaan.
Ang di pa lamang natin nasusubukang maging presidente ay ang isang boksingero.
Sa basagan ng mukha, tiyak na walang ibubuga si XI Jinping, Pangulong Donald Trump ng Amerika at maging sinuman sa mga presidente sa mundo laban kay Pambansang Kamao na isa ding Senador Manny Pacquiao.
May katiyakan na tunay itong matapang, hindi nanghihiram ng tapang sa mga pulis at militar at may tiyakang determinasyon at napakatatag ng paninindigan.
Ang yaman ni Senador Pacquiao ay nagmula sa kanyang pagpapatulo ng dugo at pawis, at hindi galing sa pamumulitika. Hindi ito Intsik, at walang halong dugong banyaga, isang tunay na Filipino sa isip, sa salita at sa gawa.
Hindi pa po tayo nangangampanya, nagsasabi lamang ng saloobin bilang payak na mamamayan.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com