Advertisers
NAGBABALA ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa publiko na mag-ingat sa mga naglipanang pekeng contact tracers.
Pinaalalahanan din ng tagapagsalita ng DILG na si Usec. Jonathan Malaya ang lahat na tanging ang mga health officers o health workers sa bawat lokal na pamahalaan ang awtorisadong contact tracers at mga tanong tungkol sa COVID-19 ang kanilang itinatanong.
Saad pa ni Malaya, nagpapakilala umano ang mga kawatan na contact tracers at nanghihingi umano ng ilang mahahalagang impormasyon gaya ng bank account at detalye ng credit card.
Kasunod nito ang pang-usisa ukol sa personal financial information ng bibiktimahin at saka sasabayan ito ng paniningil para sa kanilang serbisyo.
Kapag hindi magbigay ng impormasyon ang bibiktimahin ay tatakutin ito na mahaharap sa kaukulang parusa.
Ayon pa kay Malaya, base sa natanggap nilang impormasyon ang mga mapagsamantalang ito ay nag-o-operate sa Pampanga at Gitnang Luzon.
Panawagan ni Malaya sa lahat na kapag may na-encounter na ganitong mga indibidwal ay agad na ireport sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya para mapatigil ang modus operandi na ito. (Josephine Patricio)