Advertisers
PINANININDIGAN ng Department of Health (DOH) na gumaganda na ang COVID-19 situation sa bansa, sa kabila nang pagkuwestiyon ng ilan sa katapatan ng kanilang mga inilalabas na datos hinggil sa karamdaman.
“Mas maganda ang data kasi ang nakukuha natin recovery ngayon mataas na, 73% na,” ayon kay DOH Undersecretary Leopoldo Vega sa isang panayam sa telebisyon.
Iniulat din naman ni Vega na nananatili lamang din sa 2.2% ang COVID-19 death rate sa bansa.
Matatandaang kamakalawa ng gabi ay iniulat ng DOH na nakapagtala sila ng record-high na 38,075 bagong COVID-19 recoveries sa bansa, at 3,954 naman na bagong kaso ng sakit hanggang 4:00PM ng Hulyo 30.
Gayunman, para sa ilan ay kwestiyonable ang naturang datos na inilabas ng DOH.
Nanindigan naman si Vega at sinabing ang kanilang datos ay sumailalim sa balidasyon at rekonsilyasyon ng DOH.
“Itong mga data natin ho ay mino-monitor ng DOH at bina-validate at nire-reconcile galing sa mga ating mga local government units at iba’t ibang hospitals at ibang mga laboratories’,” paliwanag pa niya.
Paglilinaw pa niya, sa bagong talang 3,954 COVID-19 cases hanggang Hulyo 30, ay 1,320 lamang ang ‘fresh cases’ habang ang 2,634 naman ay late cases, na galing sa laboratories na hindi agad nakapagbigay ng datos.
Mas kaunti aniya ang naturang datos na 1,320 fresh cases kamakalawa kumpara sa 1,874 na naitala noong Hulyo 29.
Sinabi naman na ng DOH na ang biglaang pagdami ng bilang ng COVID-19 recoveries ay bunga ng kanilang isinagawang ‘data reconciliation efforts’ sa pagitan ng Hulyo 12 at 14 at ng “mass recovery adjustment” noong Hulyo 15 o pag-re-tagged sa lahat ng mild at asymptomatic cases bilang ‘recovered.’
Nabatid na sa 38,075 bagong recoveries, ay 37,166 ang mild o asymptomatic cases na naitala noong Hunyo at Hulyo at ni-retag habang ang 909 naman ay bagong ulat mula sa regional at epidemiological surveillance units para sa Hulyo 30.
“Dun naman sa mga recovery, alam niyo ang mga asymptomatic at mild cases na COVID positive, 90% po niyan napupunta sa mga isolation, quarantine o kaya sa mga hospital pero di agad nalalagyan ng data sa recovered kasi nadi-discharge kaagad, so to reconcile that parang time-based na ang ginagawa, pag dumaan ka ng quarantine, ng isolation at na-quarantine ka for 14 days ay presumed recovered ka na,” paliwanag pa ni Vega. (Andi Garcia/Jonah Mallari)