Advertisers

Advertisers

Senado, selective investigation sa Philhealth anomalies

0 363

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sumagot si Samuel, ‘Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod’…” (1 Samuel 3:10, Ang Tanging Daan Bibliya).

***



SENADO, SELECTIVE INVESTIGATION SA PHILHEALTH ANOMALIES: Napansin niyo ba yung mga pahayag ng ating mga senador ukol sa isasagawa nilang imbestigasyon ukol diumano sa mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth? Maliwanag na “may kinikilingan, may kinakampihan” ang nilalayon nilang imbestigahan.

Kasi naman, sa dami ng mga naiuulat na mga anomalya sa Philhealth ng mga nagdaang taon, ang nais lamang imbestigahan ng ating mga senador ay yung mga anomalya diumano bunga ng pananalasa ng COVID-19. Aba, sandali lamang po, mga kagalang-galang na mambabatas sa mataas na kapulungan. Bakit naman yung mga anomalya lang sa COVID-19 ang nais niyong busisiin?

Hindi ba dapat, ang iimbestigahan niyo muna ay yung mga anomalya na sinasabing naganap noong mga nakalipas na pamunuan ng Philhealth? Wala pong maniniwala sa inyong imbestigasyon dahil namimili kayo ng sisiyasatin, at tila umiiwas kayong imbestigahan yung mga anomalya ng mga malalapit sa inyo sa ngayon.

***

NADINIG MO NA BA ANG TINIG NG DIYOS? SSDSNNJ Amen. Marami sa ating mga kababayan ang nagtatanong sa amin sa Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo kung papaano nilang malalaman, at, pagkatapos, ay matitiyak, na sila nga ay tinatawag din ng Diyos upang magsilbi sa Kaniya sa mga gawain ng pagliligtas sa huling kapanahunan.



Itong mga tanong na ito ay bunga ng ating paanyaya dito sa Kalatas kahapon para sa mga taong tila nagkakaroon ng inspirasyon upang sila man ay gumanap din ng mga gawain ng pagpapahayag ng pagliligtas, gaya ng pagganap sa ngayon sa mga gawaing ito ng mga Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo.

Marami po at iba’t-iba ang paraan upang malaman at matiyak natin kung tayo nga ay tinatawag din ng Diyos na maglingkod sa Kaniya. Pero sa mga Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo, ibinigay sa kanila ang inspirasyong maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng ilang mga bersikulo ng Bibliya.

Pangunahin dito ay yung mababasa sa Hebreo 3:7, na ganito ang sinasabi: “Kaya’t tulad ng sinabi Espiritu Santo… Kung ngayon ay narinig ninyo ang tinig ng Diyos, iyang inyong puso ay huwag ninyong patitigasin…”

***

PAANO TITIYAKIN KUNG ANG TINIG NA NARIRINIG NATIN AY TINIG NG DIYOS: Papaano ba tayo makakatiyak na tinig ng Diyos ang nadinig natin? Simple po ang batayan para sa aming mga Anak Ng Kadugo Ni Kristo. Sa panahon ngayon, hindi na nakikipag-usap ng diretso ang Diyos sa mga tao. Kaya naman, wala ng ibang pagmumulan ang Kaniyang tinig sa mga panahon ngayon kundi ang Kaniyang sariling mga pagpapahayag.

Saan nagpapahayag ang Diyos? Iisa na lamang po ang panggagalingan ng mga pahayag ng Diyos, ang Kaniyang Bibliya, wala ng iba. Hindi sa tao, hindi sa mga lider-relihiyon, hindi sa mga nagsasabing mga propeta sila ng Diyos. Ayon po sa 2 Timoteo 3:16, ang lahat ng Kasulatan ay nagmula sa hininga ng Diyos. Ang ibig sabihin nito, ang lahat ng Kasulatan ay nagmula sa Diyos mismo.

Samakatuwid, kung nais nating mapakinggan ang tinig ng Diyos, at kung nais nating makatiyak na ang nadinig natin, o na-basa natin, o napanood natin, ay tunay ngang nagmula sa Diyos, sukatin natin ang mga ito kung sila ba ay nakasulat sa Bibliya. Sa Bibliya lamang, wala ng iba, magmumula ang tinig ng Diyos.

Kaya naman sa bawat sandali na tayo ay nakakadinig, nakakabasa, o nakakapanood, ng mga bersikulo ng Bibliya, ang tunay na nadidinig natin ay ang Kaniyang tinig, ang Kaniyang Salita. At kung nakakadinig, nakakabasa, o nakakapanood, tayo ng mga bersikulo ng Bibliya, tiyak ang ibig sabihin nito, inaanyayahan tayo ng Diyos upang maglingkod sa Kaniya.

***

“NARIRITO AKO PANGINOON, MANGUSAP PO KAYO”: Ito ang dahilan kung bakit sa mga pagtitipon, pagpupulong, at pag-aaral ng mga Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo, nauuna lagi ang Salita ng Diyos mula sa Bibliya. Sa ganoong paraan, nakakatiyak kami na ang gabay at patnubay ng Diyos ang nasa amin.

At sa sandaling makadinig, makabasa, o makapanood, tayo ng mga bersikulo ng Bibliya, ugaliin nating buksan ang ating mga Bibliya, at alamin kung tama ba ang nabasa o napakinggan natin. Matapos nating tiyakin kung tama ang ating nadinig at nabasa, kausapin natin ang Diyos: “Naririto po ako Panginoon, magsalita po kayo.”

Pag ito ang ginawa natin, tiyak tutugon ang Diyos at magsasalita Siya ng Kaniyang nais sa atin. Maaaring wala tayong madidinig sa una, pero, hindi magtatagal, kung uulit-ulitin natin ang pakikipag-usap sa Kaniya, magpapahayag Siya sa atin—sa ating mga isip, o kung hindi man, sa mga pangyayaring Kaniyang pahihintulutang maganap sa ating mga buhay! Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.

***

MAKINIG, MANOOD: “Ang Tanging Daan”, Lunes hanggang Linggo, mula alas 5 ng hapon (oras sa Pilipinas), Bukidnon Radyo Power FM (Valencia City at Lake Seibu, South Cotabato), 95.5 J FM (Dangkagan, Bukidnon), DXMJ 90.3 Sunshine FM (Sumilao, Bukidnon), at sa website ng AND KNK (www.andknk.ph), YouTube (Ang Tanging Daan AND KNK), Facebook pages na www.facebook.com/angtangingdaan, www.facebook.com/attybatas, at sa CATV Cable Channels, Coron, Palawan, at Calamianes Cable TV, sa Calamianes Islands.