Advertisers

Advertisers

‘Quarantina Gothika,’ alay sa yumaong si Direk Peque

0 469

Advertisers

ITINUTURING na isang alamat, hindi malilimutan ang mahalagang kontribusyon ng batikang direktor na si Peque Gallaga sa industriya ng pelikula at telebisyon.

Kaya naman nagluksa ang showbiz industry sa pagpanaw ni direk Peque nitong Mayo ng taong kasalukuyan.

Nakadagdag pa sa pighati ng kanyang pagpanaw na marami sa mga nagmamahal sa kanya ang hindi na siya nakita sa huling sandali dahil sa lockdown sanhi ng COVID-19



Kaya naman bilang pag-alala at pagkilala, naisip ng mga nagmamahal sa kanya, na ang turing sa kanya ay ama, guro, kasamahan sa trabaho, at higit sa lahat, kaibigan, na gumawa ng maikling pelikula bilang pahimakas sa alaala ng isa sa mga haligi ng industriya.

Sa isang Zoom meeting ay nabuo nina Lore Reyes, Jo Macasa at Christian Acuña ang balangkas ng dalawang short films na binalak nilang gawin sa ilalim ng mga limitasyon ng quarantine at lockdown.

Ang una ay dinirek ni Reyes, sa panulat ni Macasa, at ang kabuuan ng pelikula ay kinunan sa bahay sa Berkeley, California ng anak na babae ni Gallaga, si Michelle.

Kung iisipin ay nakatulong ang umiiral na lockdown para mabilis na mabuo ang isang proyektong nasa magkakalayong bansa ang mga filmmakers at ang mga artista.

Sa short film na “Hello, Mom?,” si Michelle Gallaga ay isang bulag na biktima ng isang malagim na home invasion.



Sumunod agad dito ang shooting ng isa pang short film na gamit pa rin ang Zoom app. Ang maikling pelikulang “In-House” ay tampok si G Toengi na kasalukuyang naninirahan din sa California. Ito naman ay sa direksyon ni Christian Acuña, na siya ring direktor ng dambuhalang fantasy adventure na “Magikland,” isang feature film na co-producers sina Peque Gallaga at Lore Reyes.

Ang script ng “In-House” ay sinulat ni Vince Groyon, at naging bahagi ng produksyon ang ilang kaibigan ni Giselle sa California – ang cinematographer na si Aldrin Samson at ang artistang si Minerva Vier (na naging Art Director ng pelikula).

Sa pagpasok ng isa pang short film na tampok naman si Solenn Heussaff, nabuo ang trilogy na tinawag nilang “Quarantina Gothika.” Sa direksyon ni Macasa at script ni Wanggo Gallaga, sa pelikulang “Solitaire” ay hindi lamang kaisa-isang artista si Solenn kundi siya rin ang naging cameraman at Art Director.

At ginawa niya ito sa gitna ng pag-aalaga sa kanyang baby Thylane at iba pang gawaing bahay sa gitna ng pandemyang Covid19.

Ang post-production ng trilogy ay nasa kamay ngayon ng Film Editor na si Cedric Regino (na siya ring Sound Designer), ang premyadong kompositor na si Emerzon Texon, at si Richard Francia ng Central Digital Lab na namamahala sa color grading at visual effects.

Nagsimula ang proyekto bilang katuwaan, at “labor of love,” ‘ika nga, sa dahilang wala naman itong budget para sa produksyon.

Ngunit dala ng nakasanayan nang propesyonalismo ng pangkat ni Peque ay nagbunga ito ng isang obrang hindi sukat akalaing mabuo sa ilalim ng karima-rimarim na kundisyon ng ating buhay sa kasalukuyang panahon.

Ang “Quarantina Gothika” thriller-trilogy ay mapapanood na simula sa Agosto 1, bilang isang streaming event sa “Remembering Peque Gallaga” page ng Facebook.

***

TOTOO ang kasabihang “mas marami, mas masaya”. Pero hindi rin biro ang magkaroon ng maraming anak.

Ang ibig sabihin din nito ay marami rin ang problema.

Tunghayan ang kuwento ni Nanay Amie at alamin kung bakit umabot ng 21 ang kanyang mga anak, ngayong Sabado na sa Magpakailanman sa GMA. (#MPKInaNgLahat)

Tampok sina Irma Adlawan at Allan Paule, nasa episode rin na Tanging Ina Ng Lahat sina Yuan Francisco, Elle Ramirez, Orlando Sol, Rere Madrid, Jerick Dolormente, at Jay Arcilla, sa direksyon ni Zig Dulay. – (Rommel Gonzales)