Advertisers
MILYUN-MILYON ang kita sa proyekto ng isang ahensiya ng pamahalaan.
Dalisay ang layunin ng proyekto dahil panlaban ito sa katiwalian at korapsyon.
Kaso, sa P2.1 bilyong halaga ng proyekto ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), P98 milyon ang “overpriced” dito.
Mga imbestigador ng Commission on Audit (COA) at internal auditors ng PhilHealth ang nakadiskubre na P98 milyon ang overpriced sa P734 milyong halaga ng iba’t ibang mga kagamitan.
Ang P734 milyong halaga ng proyektong ito ay bahagi ng P2.1 bilyong halaga ng proyektong information technology (IT) ng PhilHealth.
Ang tinukoy sa ulat na ang adobe software na P168,000 ang presyo bawat isang yunit ay naging P21 milyon kada isa sa badyet na hiningi ng PhilHealth.
Nang kuwentahin, lumitaw na 12,400 porsiyento ang P21 milyon na itinaas ng PhilHealth mula sa orihinal na halaga ng adobe software na P168,000, banggit sa parehong ulat.
Pokaragat na ‘yan!
Ang isa pang matinding overpricing ay ang P40 milyong presyo ng “application servers and licenses” na P25 milyon lang ang totoong orihinal na halaga nito, ayon sa ulat ng PhilHealth internal auditors.
Nakasaad ito sa ulat ng COA at ng internal auditors na inilabas nitong Mayo.
Pokaragat na ‘yan!
Napakalinaw ng krimeng nagawa ng mga korap sa PhilHealth: Ang bilyun-bilyong halaga ng proyekto na panlaban sa katiwalian at korapsyon ay pinagkakitaan pa ng P98 milyon!
Malalaman natin sa imbestigasyon ng Senado at ng Office of the Special Assistant to the President (OSAP) kung sinu-sino ang mga taong ito sa PhilHealth na napakatatakaw sa pera.
Ayon sa mga naglabasan balita sa pahayagan, telebisyon, radyo at online news platform, ang P2.1 bilyong proyekto na P98 milyong sobra-sobrang pera ang siyang pinagmulan ng sigawang naganap sa pulong ng mga opisyal ng PhilHealth noong Hulyo 22, sa pangunguna ng pangulo at chief executive officer nito na si Ricardo Morales.
Kinumpirma ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na totoong pinag-usapan ang korapsyon sa nasabing pulong.
Kinabukasan, nagsumite ng resignation letter si Atty. Thorrsson Montes Keith, legal officer ng PhilHealth Anti – Fraud Division, kay Morales.
Isa sa mga dahilan ng kanyang pagbibitiw ay ang “widespread corruption” sa PhilHealth.
Ang isa ay ang depektibong sistema ng promosyon sa ahensiya.
Tulad ng alam ng mamamayang Filipino, tahasang itinanggi ni Morales ang ibinunyag ni Keith.
Sabi ni Morales, naghihiganti lamang ang abogado dahil hindi siya nakuhang head executive assistant ni Morales.
“Contractual employee,” ang deskripsiyon ni Morales kay Keith.
Kung kontraktuwal, bakit kasama sa pulong ng pumunuan ng PhilHealth si Atty. Keith?
Maaaring dumalo si Keith sa pulong ng pamunuan ng PhilHealth kung “project – based” ang batayan o kontrata ng trabaho ni Keith sa ahensiya.
Puwedeng bahagi siya ng secretariat ng IT Project, kaya siya nakasama sa pulong.
Nangyari sa akin ito noong naging researcher/writer ako sa isang proyekto ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) noong 2008.
Paminsan-minsan pinadadalo ako sa pulong ng pamunuan ng TESDA.
Pero, ang kontrata ko sa TESDA noon ay “project – based,” kaya limitado sa tatlong buwan lamang.
Walang masama kung ganyan ang katangian ng trabaho ni Atty. Keith sa PhilHealth.
Ang masama ay ang nadiskubre niyang “malaganap na korap-syon” sa PhilHealth, ang palpak na sistema ng promosyon at marami pang iba.
Walang detalye, o paliwanag, si Keith tungkol sa malaganap na korapsyon.
Ngunit, maganda ang resulta nito dahil kinagat ni Pangulong Duterte at ng mga senador ang binanggit ni Keith sa kanyang liham kay Morales.
Dahil sa kanyang ginawa, magkakaroon na naman ng imbestigasyon hinggil sa korapsyon sa PhilHealth.
Ilang buwan ang nakalipas, naglunsad ng imbestigasyon ang Senado tungkol sa korapsyon sa PhilHealth.
Isa sa mga nadiskubre ay nangungupahan pala ang PhilHealth – Region 1 sa gusaling pag-aari ng pamilya ni Health Secretary Francisco Duque III sa Pangasinan.
Pokaragat na ‘yan!
Bilang kalihim ng Department of Health, o DOH, si Duque ay Chairman of the Board ng PhilHealth.
Uulitin ko ang pamagat ng paksa ko sa BIGWAS! nitong Hulyo 28: “KAILANGANG MAKULONG NA ANG MGA KORAP SA PHILHEALTH.”