Nanay ni Meyah Amatorio nagpasaklolo kay Duterte; Utol ni Jang nanawagan ng hustisya
Jang Lucero murder case:
Advertisers
NANANAWAGAN ng hustisya ang pamilya ng pinaslang na si Jang Lucero, ang dalagang driver na nagtamo ng 52 saksak sa loob ng kanyang kotse sa Calamba, Laguna noong Hunyo 28 ng taon.
Sa post sa Facebook, sumisigaw ng katarungan ang kapatid ni Jang na si Rena Jamce Carmel Macion para sa pagkamatay ng dalaga.
Ibinahagi rin ni Rena ang balitang pagdukot sa nobya ng kapatid na si Meyah Amatorio at sa pamangkin nito na si Adrian Ramos na may kalakip na hashtag “justice for my sister”.
Matatandaang inilapit ng pamilya Lucero ang kaso sa NBI at hiniling na maimbestigahan si Meyah.
Naniniwala raw ang pamilya na may kinalaman si Meyah sa pagkamatay ni Jang.
Sa isa pang post, ibinahagi rin nito ang hinanakit matapos malaman ang mga umano’y pagdurusa ng namayapang kapatid sa piling ng minahal nito.
“Grabe na talaga mga nababasa ko tungkol sa kapatid ko, sobrang naawa lang ako… kasi bakit kailangan niya maranasan ‘yun lahat. Gusto lang naman ng masayang buhay tsaka masayang pamilya pero ‘di niya akalain na mapupunta siya sa maling tao,” ayon sa post ni Rena noong Hulyo 19.
Humihiling din ng tulong si Rena Jamce sa mga taong maaaring makatulong sa kaso ng kapatid.
Samanatala, hanggang sa kasalukuyan ay wala pang naiulat kaugnay sa paghahanap kay Meyah, matapos matagpuang patay ang pamangkin niyang si Santos, ilang oras matapos silang dukutin sa kanilang bahay Miyerkoles (Hulyo 29) ng tanghali.
Natagpuan ang bangkay ni Ramos ilang metro lang ang layo sa lugar kungsaan nakita ang bangkay ni Jang.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kinalaman ang pagdukot sa dalawa at pagpatay kay Adrian sa pagkamatay ni Jang.
Umapela naman ang nanay ni Meyah kay Pangulong Rodrigo Duterte at humingi ng tulong para sa anak at pamangkin.
Iginiit nito na wala silang kinalaman sa pagkamatay ni Jang.
Ngunit hindi na nagbigay pa ng karagdagang pahayag sa takot para sa buhay ni Meyah.(PTF team)