Advertisers
NADAKMA ang isa sa dalawang “notorious snatchers” ng isang Grab driver matapos nilang agawin ang cellphone ng girlfriend nito habang nakatigil ang kanilang sasakyan dahil trapik kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Nakakulong ngayon sa Makati City Police detention facility ang nadakip na si Melvin Semil, 25, taga 4050 Bernardino St., Barangay Guadalupe Viejo ng nabanggit na lungsod.
Samantala, hinahanting na ng mga pulis ang kasama nitong si Darwin Alvarez, 18, ng Guiho Extension, Brgy. Cembo. Natangay nito ang cellphone na inagaw sa biktima.
Kinilala ang biktima na si Alyssa Marie Ordiz, 21, dalaga, nail artist, nakatira sa Apollo St., Tandang Sora, Quezon City.
Sa report, naganap ang insidente 9:00 kamakalawa ng gabi sa EDSA-Guadalupe, Cloverleaf Northbound, Brgy. Guadalupe Nuevo.
Sakay ang biktima sa isang kulay puting Toyota Vios ( ADA 5862) na minamaneho ng kanyang boyfriend na Grab driver na si Rhonward Vincent De Guzman, 22, taga – Apollo St. Tandang Sora.
Habang nakatigil sila dahil trapik, binuksan nila ang bintana sa harapan ng sasakyan nang biglang sumulpot ang mga suspek at inagaw ang Samsung cellphone ng dalaga na nagkakahalaga ng P18,000.00.
Mabilis na naipasa ni Semil kay Alvarez ang cellphone, na kaagad tumakas.
Nadakma ni De Guzman si Semil at isinuko sa mga pulis na rumisponde sa insidente. (Gaynor Bonilla)