Advertisers
PINALAWIG ang general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila hanggang Agosto 15, taong kasalukuyan.
Ginawa ni Presidente Rodrigo Duterte ang kautusan sa kabila ng pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Pinakasentro pa rin daw ng epidemya ang National Capital Region (NCR).
Ngunit may mga lugar na mahigpit pa rin ang lockdown.
Hindi nakalalabas ang mga tao tulad na lamang ng “total lockdown” sa Barangay 815, Paco, Maynila.
Magsisimula raw ang paghihigpit ngayong araw hanggang Linggo o bukas dahil sa dami ng kaso ng COVID-19 sa lugar.
Gaya ng inaasahan, walang papayagang lumabas ng kanilang bahay kahit pa ang mga nagtatrabaho.
Hinihikayat ang mga apektadong empleyado na pumunta sa barangay hall para mabigyan ng certification para sa kanilang pinagtatrabahuan.
Tanging mga frontliners at medical health workers na residente ng Brgy. 815 lang ang maaaring lumabas.
Hanggang bukas ay sarado ang lahat ng mga tindahan sa barangay.
Sabi ng mga taga-Brgy. 815, magsasagawa sila ng contact tracing upang matukoy ang mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.
Kung ganyan sa ilang lugar sa Maynila, ang market halls ng Navotas Fish Port (NCFP) ay pansamantala ring isasara simula ngayong araw, Agosto 1.
Bibigyang daan daw kasi ang buwanang general cleaning at disinfection sa daungan.
Kasama sa mga isasara ang market halls 1 hanggang 5, simula ala-1 ng hapon Sabado hanggang ala-1 ng hapon ng Linggo.
Kaya dapat makilahok ang mga nagtitinda sa pamamagitan ng paglilinis ng kanilang mga stalls.
Kung hindi ako nagkakamali, mga 1,898 na ang kabuuang naitalang bilang ng COVID-19 cases sa lungsod kung saan nasa 905 ang active COVID-19 cases.
93 na raw ang patay sa Navotas habang 900 naman ang gumaling na.
Kaya doble-ingat po tayong lahat at sumunod sa payo ng mga awtoridad!
***
PARA sa inyong mga reaksyon, liham, suhestiyon at reklamo, maaari n’yo po akong i-text sa 09299507599, i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-message sa aking Facebook account at FB page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po!