Advertisers
INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte na babalik na sa normal ang Pilipinas pagsapit ng Disyembre dahil magkakaroon na tayo ng bakuna laban sa COVID-19 mula sa China.
Sinabi ng pangulo sa kanyang public address nitong Biyernes ng umaga, na nangako na umano ang China na isa ang Pilipinas sa prayoridad na bibigyan ng bakuna sa oras na available na ang kanilang dine-develope na nasa phase 3 na.
Ayon kay Pangulong Duterte, magtiis lamang ang mga Pilipino hanggang Disyembre at huwag munang lalabas para hindi mahawaan ng virus.
Sinabi pa ni Pangulong Duterte na unang makakatanggap ng bakuna at libre pa ang nasa 20 milyong benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP), mga nasa ospital at maging mga nasa middle income.
Sa briefing sa Malacañang, tiniyak ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III na mayroong magagamit na pondo ang bansa para pambili ng bakunang inaasahang ilalabas sa Disyembre na nagkakahalaga ng P20-bilyon.
Saad pa ni Dominguez na ang Philippine International Trading Corporation sa ilalim ng DTI ang bibili anya ng bakuna at ang pondo ay uutangin umano sa Landbank at DBP. (Vanz Fernandez/Josephine Patricio)