Advertisers

Advertisers

WANTED EX-CONGRESSMAN NA LIDER NG KULTO TIMBOG SA PAMPANGA

0 384

Advertisers

SA WAKAS… naaresto rin ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang dating Dinagat Island congressman na si Ruben Ecleo sa Angeles City, Pampanga Huwebes, Hulyo 30, ng madaling-araw.
Naaresto si Ecleo, 60, gumamit ng alias Manuel Riberal sa lugar, ang “supreme leader” ng kultong Philippine Benevolent Missionaries Association (PBMA), at itinuring na Top 1 national level Most Wanted Person na may patong na P2 milyon pabuya, sa Lot 6, Blk. 8 Orosa, Diamond Subd., Balibago, Angeles City.
Si Ecleo ay tubong Dinagat Island, Surigao Del Norte. Kasama niyang nadakip ang kanyang driver na si Benjie Relacion Fernan alias “Smile”, 35, tubong San Jose, Dinagat Island.
Ayon sa NCRPO Chief, Major General Debold Sinas, 4:30 ng madaling-araw nang maaresto sina Ecleo ng pinagsanib na elemento ng Regional Intelligence Division Regional Special Operation Group ( RID-RSOG) at Regional Mobile Force Company (RMFB) habang palabas ito ng bahay sa loob ng Diamond Subd. para sana mag-golf.
Inaresto si Ecleo ng mga otoridad sa bisa ng warrant of arrest sa kasong “Graft” na ipinalabas ng 1st Division ng Sandiganbayan. Habang inaresto naman si Fernan dahil sa paglabag sa PD 1829: “Penalizing Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders”.
Magugunita na nahatulan si Ecleo ng “Guilty” sa graft and corruption kaugnay ng maanomalyang pagtatayo ng pampublikong palengke, gusali ng munisipyo at rehabilitasyon ng isang gusalit na pag-aari ng kulto ng pamilya noong mayor pa siya ng San Jose sa Dinagat Island mula 1991-1994 at nahatulan ng 31 taon pagkakabilanggo noong 2006.
Bukod dito, taon 2012 ay pinatawan si Ecleo ng habambuhay na pagkakabilango ng Hukuman sa Cebu matapos mapatunayang “Guilty” sa kasong “Parricide” kaugnay ng pagpatay sa kanyang asawang si Alona Bacolod Ecleo sa kanilang bahay sa Cebu City noong 2002.
Dinala sina Ecleo at Fernan sa headquarter ng NCRPO sa Camp Crame, Quezon City. (Mark Obleada/Gaynor Bonilla/Thony Arcenal/Josephine Patricio)