Advertisers

Advertisers

VP Leni suportado ang P1.3-trillion stimulus bill

0 337

Advertisers

INATASAN ni Vice President Leni Robredo ang Kongreso na madaliin ang pagpasa sa panukalang batas na tutulong sa pagbangon ng ekonomiya na sinalanta rin ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang bersyon ng ulat sa bayan nitong Miyerkules, inilatag ng pangalawang pangulo ang ilang obserbasyon at rekomendasyon para mapabuti ng gobyerno ang ginagawang responde.
“Humaharap ako sa inyo ngayon upang iulat ang mga natutuhan namin sa panahong iyon: Ang feedback mula sa mga eksperto, mula sa mga doktor, at mula sa mga pinakaapektado — ang hinaing ng mga nasa komunidad, ng mga frontliners, ng mga napipilitang sumugod sa panganib dahil kailangang magtrabaho, ng mga drivers, ng mga locally-stranded individuals na napipilitang matulog sa hagdan o bangketa,” ani Robredo sa isang video message.
Ilan sa partikular na binanggit ni Robredo sa kanyang ulat ang nakabinbin pang Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy of the Philippines (ARISE) bill.
Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaroon ng wage subsidies, tulong pinansyal at training sa mga manggagawang nawalan ng trabaho. May probisyon din itong magbibigay ng tulong sa mga estudyante at maliliit na negosyo.
“Malinaw na mas nakatuon sa pinakanangangailangan ang ARISE; mas inclusive ito, at mas pro-poor. Gamitin sana ang puwersa ng mayorya upang ipasa ang batas sa lalong madaling panahon,” ani VP Leni.
Nauna nang ipinasa ng Kamara sa ikatlong pagbasa ang panukalang batas noong Hunyo. Inaasahang P1.3-trilyong pondo ang ilalaan sakaling maisabatas ito.
Nakabinbin pa ito sa Senado dahil sa ilan pang agam-agam mula sa mga mambabatas ng mataas na kapulungan. Mismong si Finance Sec. Carlos Dominguez ay una nang kumontra sa panukalang ARISE.
Samantala, nakukulangan naman ang bise president sa isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte na panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE).
Sa halip, hinimok nito ang gobyerno na magbigay ng tax incentives sa mga kompanyang magbibigay ng ayuda.
“Mabisang paraan ito para mailahok ang pribadong sekto sa pambansang pagbabayanihan.”
Ilan pa sa rekomendasyon ni VP Leni sa sektor ng ekonomiya, ay ang pagsali sa academic at private sector sa mga ginagawang pag-aaral para sa ipapatupad na polisiya.
Magkaroon din daw sana ng buffer stock sa lahat ng materyales tulad ng mga gamot, sabon, alcohol, at face masks. Pati na ang pagtitiyak na nasusuportahan ang mga lokal na negosyo.
“Malaking ambag ang mga ito sa pagsigurong dadaloy ang enerhiya ng ekonomiya sa mga negosyo at komunidad.”
Huwag din umanong kalimutan ng pamahalaan na bigyang pansin ang sektor ng agrikultura, bilang tugon sa binanggit ng presidente na “Plant, Plant, Plant.”
“Ngunit hindi ito sapat. Kailangang buhusan ng pondo ang sektor ng agrikultura para sa makabagong kagamitan tulad ng cold storage facilities at drying facilities, at para sa imprastruktura tulad ng farm-to-market roads.”