Advertisers
AABOT sa P4.5 milyong halaga ng shabu na nakalagay sa mga lata ng choco wafer ang nadiskubre ng mga otoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Hulyo 22.
Ayon sa pahayag ng Bureau of Customs-NAIA, naka-consign para sa isang residente sa Hagonoy, Bulacan ang natanggap na package na galing Las Vegas sa Estados Unidos.
Natuklasan ang mga droga nang i-physical examination ang mga kargo na natengga sa kanilang mga warehouse.
Inilarawang “Toys/Present” ang regalo pero nang buksan ang package, tumambad ang lata ng choco wafer at iba pang kagamitan.
Nakumpirma ng mga awtoridad na shabu ang nilalaman ng lata.
Nakipag-ugnayan na ang tanggapan sa Philippine Drug Enforcement Agency para masampahan ng karampatang kaso ang mga nag-import. (Jojo Sadiwa)