Advertisers

Advertisers

MAKABULUHAN

0 697

Advertisers

HINDI namin sukat akalain na magbibigay ng kontra SONA si Bise Presidente Leni Robredo. Nagulat kami nang mga ala-una ng hapon noong Miyerkules na kumalat ang advisory galing sa Office of the Vice President na magbibigay ng kanyang kalatas sa sambayanang Filipino ang Bise Presidente sa social media. Isa kami sa mga nakinig sa kanyang mensahe na tumagal ng 22 minuto.

Ipinauna muna ni Leni ang kontra SONA ng mga lider oposisyon sa Kamara de Representante at Senado. Tamang-tama noong Miyerkules nang kunin ng Bise Presidente ang entablado. Lubhang makabuluhan ang kanyang kontra SONA. Maraming netizen ang nagsasabing nabuhay ang kanilang dugo at umagos ang pag-asa. Malayong-malayo sa SONA ni Rodrigo Duterte na batbat ng hinagpis ng kabiguan, paninisi, pagbibintang, pagbabanta at kung ano-ano pang negatibong damdamin.



Bakit nga hindi? Mas makabuluhan ang pagtalakay na ibinigay ni Leni sa pandemiko. Malinaw ang ibinigay niyang direksyon upang masugpo ang pandemiko. Hindi siya nagpaligoy-ligoy at diretsong nagmungkahi kung paano mahaharap ang pandemiko.

Huwag umasa sa bakuna, ayon sa Bise Presidente. Ayusin ang mga datos sapagkat nakasalalay sa tamang datos ang lahat ng pagsagot sa pandemiko – mass testing, contact tracing, at community action and support. Pulungin ang mga eksperto sa larangan ng medisina at iba pang disiplina upang mag-ambag sa isang pambansang solusyon, aniya.

Gawing abala ang DoH sa pagproseso ng mga kalat na datos at naantalang resulta ng swab test, aniya. Gamitin ang Baguio City model sa mabisang proseso ng mga swab test upang malaman kung sino ang mga tinamaan ng mapinsalang virus at magawa ang karampatang lunas. Kalapin at isali ang mga pribadong laboratoryo sa proseso ng resulta ng mga swab test, aniya.

Matindi ang ibinigay na lunas ng Pangalawang Pangulo tungkol sa mga locally stranded individuals (LSIs), o iyong mga taong nais ng umuwi sa kanilang probinsiya. Kailangan mabigyan sila ng libreng swab test upang malaman kung dala nila ang virus at upang hindi maikalat sa kanilang mga lalawigan, aniya. Kailangan mabigyan sila ng pansamantalang matutuluyan sa Metro Manila bago dalhin sa kani-kanilang lalawigan, aniya.

Pinatamaan niya ang mga retiradong heneral na namumuno sa pagsugpo ng pandemiko. Hindi tuwirang sinabi na walang silbi ang mga heneral, ngunit idiniin niya na kailangan mga tamang tao o propesyonal ang mangasiwa sa pagbaka sa pandemya. Siempre, kailangan may background sa larangan ng medisina ang mamuno sa pagharap sa pandemiko.



Iminungkahi rin ng Bise Presidente na buhusan ng sapat na resources ang mga ospital at bigyan ng pangunahing kalinga ang mga frontline workers tulad ng mga doktor, nars, lab technician, at iba pang kasama sa pagharap sa pandemiko. Bigyan sila ng sapat na hazard pay, aniya.

Sa maikli, hindi pagpuna ang nasa isip ng Pangalawang Pangulo. Nagharap siya ng mga makabuluhang tugon sa hamon ng pandemiko. Ito ang dahilan kung bakit nabuhayan ng loob ang mga mamamayan. Natuwa sapagkat malinaw ang mga mungkahi. Hayaan natin sumagot ang Palasyo. Tingnan natin kung ako ang takbo ng kanilang pag-iisip.

***

LUBHANG kontrobersiyal ang pagpasok ng pulis at pagsamsam sa mga plakard na mga raliyista sa Simbahan ng Quiapo. Ipinalalabas ng pulisya na humingi ng tulong ang mga pari sa simbahan na paalisin ang mga nandoon. Isa bagay ito na pinasusungalingan ng isang opisyal na pahayag ng Partido Akbayan. Pakibasa:

Partido Akbayan: Karahasan ang mukha ng Anti-Terrorism Law!

MULING kinukundena ng Partido Akbayan ang Manila Police Department para sa panghaharas sa mga myembro ng partido. Nais naming linawin ang mga pangyayari sa panahong iyon, kontra sa mga pahayag ng pulis.

Sumama ang ilang myembro ng Partido Akbayan sa “Panalangin ng Sambayanan para sa Katarungan at Kapayapaan” sa Quiapo Church. Nagdala sila ng placard para sa protesta sa ibang lugar; nakatago ito sa mga ecobag at dinala sa loob ng simbahan dahil walang ibang paglalagyan.

Biglang lumapit ang pulis para kumpiskahin ang gamit, ngunit walang ibinigay na paalam o dahilan. Sa galit ng mga myembro, nagpakita sila ng dalawang natirang placard.

Hindi totoo na nagpakita sila ng placard o nanggulo bago ito nakawin. Kinuha ang mga larawan na pinapakita ang placards pagkatapos ng pagnakaw. Fake news ang sinasabi ng pulis!

Magsasampa ng kaso ang Partido Akbayan sa Commission on Human Rights hinggil sa pagnanakaw at pagsira sa kagamitan ng myembro at ng partido. Labag ito sa konstitusyonal na karapatan sa seguridad ng indibidwal at kagamitan sa walang-kadahilanang pagkuha. Hindi hahayaang walang parusa ang mga abuso o pananakot ng pulis.

Naninindigan muli ang Partido Akbayan na ito ang mukha ng Anti-Terrorism Law. Dalawang pulis na may battle fatigue ang nangharas sa mga mapayapang nagdarasal! Naging marahas sila nang walang dahilan. Dapat ligtas na lugar ang simbahan, ngunit sa Anti-Terrorism Law walang pinipiling lugar ang panggigipit ng pamahalaan. Sinong niloloko ng pulis na tama ang ginawa nila kung malinaw sa mga video na sila ang nangharas at nanggulo?

Pinasasalamatan ng Partido Akbayan ang sambayanang Pilipino at mga organisasyong tumitindig laban sa ganitong abuso. Pinasasalamatan din ang mga boluntaryong abogado na nagpaabot ng kanilang paglingkod sa mga naapektuhan. Patuloy na naninindigan ang Partido Akbayan tutol sa Terror Law at sa karahasan ng pulisya.

***

MGA PILING SALITA: “Sa panahon ng pandemya na kung hindi natin alam kung ano ang susunod na mangyayari, hinahanap natin ang tunay na liderato, iyong nakakapagbigay ng pag-asa at kumpiyansa sa sarili. Hangad natin ang katiwasayan ng lahat upang maharap at masugpo ang pandemya. Nais natin marinig ang tinig na magbibigkis sa ating lahat. Hindi natin gusto ang isang nagpapanggap na lider at umamin na “inutil” siya. Humahanap tayo ng totoong lider na magbibigay sa atin ng lakas ng loob upang sama-sama tayong humarap sa nakakagambalang sitwasyon. Maraming salamat, VP Leni. Salamat sa pagbibigay ng pag-asa at inspirasyon sa sambayanan. Mabuhay ka!” – Philip Luste, netizen, mamamahayag

“Hindi maihahambing ang ginto sa burak! Sa ayos ng pananalita, paggalang, takbo ng kaisipan, kaalaman, karanasan, at pagharap sa madla, ibang iba ang katauhan ni VP Leni G. Robredo!!! Ang babaing may bait, na may kaakibat na lakas ng loob at paninindigan. Bawat salita ay may tiyak na patutunguhan.” – Elizabeth Foster, netizen

“A supposed friend, a struggling pseudo-intellectual writer of sorts, has once described me as a “fanatic yellow” and of course I was deliriously elated the description was coming from an ignorant true fanatic. No one has to be yellow or of whatever color to see the stupidity, deception, corruption, greed, immorality, vindictiveness, criminality, and treason in this dispensation of the Buang. What yellow? Pro-Cory or Pinoy Aquino? Pinoy and Corazon Aquino stepped down and handed power peacefully, with their family crown jewels taken away from them, with not one corruption case filed against them, with the blood of Benigno redeeming this generation from the claws of Marcos kleptocractic dictatorship. If I should hate the Aquinos, this could be the only reason: They did not have the heart and political will to line up the Marcoses for firing squad.” – Prof. Bayani Santos

***

(Email:bootsfra@yahoo.com)