Advertisers
INORDERAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang karamihan ng mga health centers sa lungsod na pansamantalang isara muna upang magamit ang mga kawani nito sa contact tracing ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa bawat community na nasasakupan ng health center.
Kasabay nito ay pinaalalahanan din ni Moreno ang mga residente na kapag lumapag sa barangay ang mobile serology testing clinic ng pamahalaang lungsod, ay nangangahulugan ito na ang nasabing barangay ay may mataas na bilang ng kaso ng COVID.
“Para di kayo maligaw, eto ang susi. Bibigyan ko kayo ng tip para handa tayo. Kapag ang mobile serology testing natin ay bumaba sa barangay ninyo, isa lang ang ibig sabihin nyan — may mataas kayong impeksyon nagpositibo at validated na COVID cases sa inyong komunidad,” pagdidiin ng alkalde.
Hangad ni Moreno na mapuntahan ng lahat ng mobile testing clinic ang lahat ng pamayanan, lalo na sa mga barangay na nagrehistro ng mataas na bilang ng impeksyon sa COVID-19.
“Mag-alala kayo ng kaunti dahil hindi kami pupunta dun kung walang basehan na data,” dagdag pa ni Moreno.
Ayon sa alkalde ay kinokolekta at iniipon ng mga contact tracers ang lahat ng datos kung saan iniimbestigahan ang verified at unverified reports at maging ang mga haka-haka at ang lahat ng impormasyon ay bina-validate.
Sinigurado ni Moreno na ang tracing na ginagawa ng mga medical professionals ng lungsod ay malawak at tuloy-tuloy kasabay din ng pag-iikot ng mobile clinic sa bawat barangay.
Naglagay na ng dalawang mobile clinics ang pamahalaang lungsod na siyang umiikot sa mga barangay na may mataas na bilang ng COVID-19 infection at ito ay malaking tulong sa naunang mga libreng walk-in at drive-thru testing centers na binuksan nina Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna.
Ang drive-thru ay para sa mga motorista habang ang walk-in ay para sa mga walang sasakyan at ito tulad ng mobile clinic na nagpupunta mismo sa inyong lugar, ay libre rin sa mga taga-Maynila at hindi taga-Maynila.
“We want to make the free testing more convenient..bababa ka na lang ng bahay, door-to-door ito. Pagdating, labas ka na. It’s efficient, credible and most of all, it’s free,” pahayag pa ni Moreno. (Andi Garcia)