Advertisers
Pinag-aaralan na umano ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na bigyan ng dagdag na insentibo ang mga health care workers na frontliners ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na nag-meeting na ang kanilang Executive Committee at pinag-usapan ang mga lumutang na issues sa hanay ng health care workers.
Natalakay daw sa nasabing meeting kung paano paiigtingin ang responde sa hiling ng medical frontliners at posibilidad na bigyan ang mga ito ng dagdag pang insentibo.
Nilinaw ni Vergeire na ikinokonsidera naman ng ahesya ang sakripisyo at hinaing ng mga health care workers.
Ang grupong Filipino Nurses United ay isa lang sa naging boses ng sektor sa nakalipas na mga linggo. Kanilang apela dagdagan ang personal protective equipment sa mga ospital, bayaran ang quarantine leaves at dagdag na benepisyo.
Batay sa huling tala ng DOH, higit 4,443 na ang kabuuang bilang ng health care workers na tinamaan ng COVID-19 sa bansa.