Advertisers
NANINIWALA si Senador Bong Go na maililigtas sa panganib ng iligal na droga ang mga kabataan kung muling maibabalik ang parusang bitay laban sa mga karumal-dumal na krimen na may kinalaman sa illegal drugs.
Kaya sinusuportahan ni Go ang naging hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mambabatas sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 27 na muling ibalik ang death penalty para sa mga nakagagawa ng karumal-dumal na krimen, kabilang ang drug trafficking.
Ayon sa senador, dapat na mas palalakasin pa ang kampanya laban sa iligal na droga at iba pang salot sa lipunan.
“As the President said, freedom from illegal drugs, terrorism, corruption and criminality is, in itself, a human right,” ani Go.
Sa kanyang ika-5 SONA, sinabi ng Pangulo na nais niyang mapabilis ang pagpapasa ng pagbuhay sa death penalty sa pamamagitan ng lethal injection laban sa krimen na espisipikong may kinalaman sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ipinaliwanag ng Pangulo na sa bigat at milyon-milyong halaga ng iligal na droga na nasasamsam sa police operations, katumbas nito ay ang bigat din na dinadalang problema ng bansa na dulot ng drug trafficking.
Noong nakaraang taon ay naghain si Go ng Senate Bill No. 207 na layong maamyendahan ang Republic Act 9346 na nagbasura sa death penalty sa Pilipinas. Nais ng panukala niya na muling buhayin ang capital punishment sa heinous crimes, partikular sa illegal drugs at plunder.
Sinabi ng senador na dahil sa patuloy na proliperasyon ng heinous crimes ay lumakas ang mga panawagan na magkaroon ang pamahalaan ng mas malakas at matibay na tindig laban sa mga karumal-dumal na krimen na sumisira sa pag-unlad ng bansa.
Kaugnay nito, pinuri ni Go si Pangulong Duterte sa pagtiyak sa publiko na ang administrasyon ay patuloy na lalabanan ang korapsyon at papanagutin ang mga nagsasamantala sa umiiral na takot at kalituhan sa taongbayan na dala ng health crisis.