Advertisers
NALAMBAT ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong miyembro ng Abu Sayaff Group (ASG) sa serye ng ope-rasyon nitong Hulyo 17, 20 at 21 sa magkakahiwalay na lugar sa Taguig City at Maynila.
Kinilala ni NBI Director Eric Distor ang mga nadakip na sina Ben Saudi alyas Erie; Ajvier Kuhutan alyas Jaber; at kapatid nitong si Adzmi Kuhutan alyas Osein/Abduraya.
Sa report, sangkot ang tatlo sa pagkidnap sa 6 miyembro ng Christian Religious Sect sa Patikul, Sulu noong Agosto 20, 2002 at kasama sa ‘Order of Arrest’ na may 6 counts ng Kidnapping at Serious Illegal Detention with Ransom na kasalukuyang nakabinbin sa Taguig City Regional Trial Court, Branch 271.
Nahuli ang mga suspek ng NBI Counter-Terrorism Division (NBI-CTD) sa pakikipagkoordinasyon sa Special Action Force-Rapid Deployment Battalion ng Philippine National Police (PNP) at counterparts mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Noong Hulyo 13, isang testigo ang kumilala kay Erie. Kaya Hulyo 17 ay inaresto na ito ng mga awtoridad.
Habang si Jaber, isa sa perimeter guards ng ASG, naaresto Hulyo 21 sa Sampaloc, Maynila matapos kilalanin sa police line-up.
Nabatid na si Osein o Abduraya, miyembro ng mga nagbantay sa mga kinidnap na biktima at nakatatandang kapatid ni Jaber, ay nadakip naman Hulyo 21 nang sumama sa kanyang mga kaanak sa NBI detention facility para kunin ang mga gamit ni Jaber.
Hiniling ng NBI na iprisinta ni Adzmi ang kanyang barangay ID at pinahubad ang facemask para maberipika kung siya nga ang larawan sa ID. Pero nang alisin ang kanyang facemask, lumabas na siya ang taong kinilala ng testigo na si Osein/Abduraya.
Nasa kustodiya ng NBI ang tatlo at hinihintay na lamang ang mga dokumento para mailipat sila sa Special Intensive Care Area (SICA), BJMP sa Taguig City. (Jocelyn Dimenden/Andi Garcia)