Advertisers
Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umabot na sa P42.8 bilyon cash assistance sa ikalawang bugso ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, ang naturang halaga ay naipamahagi umano sa 6,375,409 na mga benepisyaryo sa pamamagitan ng digital at manual payout.
Nilinaw ni Bautista na kabilang sa mga tumanggap ng SAP 2 ay ang mahigit 1.3 milyong pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), higit 3.2 milyong low-income non-4Ps members at higit 1.8 milyong waistlisted families.
Saad pa ni Bautista na umabot na sa 98,132 ang mga drayber ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) taxis at Public Utility Vehicle (PUV) sa National Capital Region (NCR) ang tumanggap ng cash aid na nagkakahalaga ng P795,056,000.
Dagdag pa ni Bautista na ang mga tsuper na hindi kasama sa certified list ng LTFRB ay ini-refer sa field officers ng DSWD para sa validation at maisama sa waistlisted.
Matatandaan na tinaningan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DSWD hanggang Hulyo 31 sa pamamahagi ng ayuda ng SAP 2. (Josephine Patricio)