Advertisers
BAGAMA’T ayaw nating maniwala, ay kumpirmado naman ang kaliwa’t-kanang anomalya na nagaganap sa Lyceum International Maritime Academy (LIMA) sa Batangas City matapos lumutang ang isang dating estudyante ng naturang akademya at patunayan ang sumbong hinggil sa malawakang katiwalian na ang itinuturong may pakana ay isang Dean Alexander A. Gonzales na siyang paksa sa serye ng ating mga pitak.
Dawit din diumano sa paggawa ng pagkaka-kwartahan ang empleyadang kalaguyo o kabit ni Gonzales. Masyado namang grabe kung totoo ang akusasyong ito sa nasabing dekano.
Patuloy namang bumubuhos ang mensahe ng pasasalamat ng mga apektadong estudyante at magulang sa pagbubunyag ng SIKRETA sa mga kaalingasngasan ni Gonzales sa nasabing institusyon.
Wala na marahil karapatan si Gonzales na manatili kahit isang segundo sa kanyang katungkulan. Nagiging batik din ito sa imahe ng pamilyang Laurel at pabigat sa maayos na pamamalakad ni Lyceum of the Philippines University-Batangas, President Peter Laurel na naging Vice Governor din ng lalawigan ng Batangas.
Isiniwalat naman ng ex-LIMA student cadet na talamak at nag-uumapaw nga ang anomalya, korapsyon, labag sa batas na gawain at pagmamalabis sa tungkulin ni Gonzales.
Sa kanyang sinumpaang salaysay ay personal pala na nakaranas ng kalupitan at panggigipit ng dati nitong dekano. Higit na masaklap ay pinatalsik pa siya ni Gonzales sa LIMA sa hinala na lider ito ng mga estudyanteng tutol sa In-House Policy ni Gonzales.
Talagang parusa diumano sa mga estudyante ang administrasyon ni Gonzales kaya nagkaisa ang mga student cadet na magsagawa ng general meeting noong Setyembre 17, 2019 sa school gym sa Brgy. Cuta, Batangas City.
Hindi umattend ng kanilang klase ang lahat na estudyante tanda ng kanilang mahigpit na pagtutol sa pamamalakad ni Gonzales.
Tinuligsa ng mga ito ang bulok at masamang pamamalakad ni Gonzales at ibinuko ang iligal na pinagkikitaan sa In-House Policy ng nabanggit na dekano.
Kabilang sa ibinulgar ng mga nasabing estudyante ang sapilitan at malimit na paniningil ng bayad sa t-shirt ng empleyadang kalaguyo o kabit ni Gonzales. Ito raw ang bumibili ng t-shirt sa market price, nagpapatatak saka ipinagbibili din sa mga kadete sa mataas na halaga at ipinasisingil naman sa mga class president ng kada section.
May monthly payment din na Php 150 para sa mineral water ng kadete na dapat sana ay libre at kasama na sa lodging fee na Php 2,900- Php 4000.
Kinokolektahan din ang mga estudyante ng bayad sa Community Extension Program (COMEX) na kasali na dapat sa binabayarang tuition fees.
Obligadong sa school canteen sila kumain, kung saan nagbabayad ang mga estudyante ng Php 175-Php 220 sa daily meal sa kantina na hinihinalang pag-aari din ni Gonzales at pinatatakbo ng dummy nito.
Nangungumisyon din si Gonzales sa haircut ng mga estudyante. Nagbabayad sila ng Php 50 kada isa ngunit binabayaran lamang ang barbero ng Php 30. Ang komisyon na Php 20 ay pinaghahatian nina Gonzales at coastguard personnel na naka-detailed service sa LIMA.
Kailangang alamin din ng Lyceum management ang binanggit ng nasabing estudyante na anomalya ni Gonzales sa tutorial job at ang pinaka-anomaloso ay ang mapanganib na bunkering operation ni Gonzales sa oras ng kanyang trabaho sa akademya.
Milyon diumano ang kinikita ni Gonzales sa illegal bunkering. Sa oras ng trabaho bilang dean ay nakapagpapadeliber ito ng krudo at iba pang produktong petrolyo sa mga cargo vessel sa bayan ng Pola Oriental Mindoro at malalaking barko sa Batangas City gamit ang isang motorized passenger pump boat.
Dahil sa hinalang lider ng mga kadete ang nasabing ex-cadet ay ikinulong ito sa opisina ni Gonzales sa tulong ng ilang sundalo ng coastguard.
Pilit ding ipinadadawit daw ni Gonzales na sinulsulan sila ng dalawang propesor at isang propesora para magsagawa ng protesta sa LIMA.
Matagal din diumanong ikinulong ni Gonzales ang naturang ex-student cadet nang tumangging idiin sa kaso ang pinag-iinitang tatlong faculty members. Ang higit na masaklap ay ipina-expelled pa ni Gonzales sa LIMA ang naturang estudyante.
Kung tunay ang mga paratang kay Gonzales ay wala na talagang moralidad pa ito na pamahalaan ang nasabing academy. Kaya mga KASIKRETA patuloy na abangan ang mga susunod pa nating pagsisiwalat!
Wala pong personal na interes ang inyong lingkod o kaya ay hangarin na laitin o sirain ang pagkatao at imahe ng matalinong dean. Talaga din namang berde ang utak nito!
Sa totoo lang sa loob ng ilang dekada na rin ng inyong lingkod sa larangan ng pamamahayag ay nasanay na tayo sa pagbabanta, turing natin sa mga natatanggap na pananakot ay parang palaman na lamang sa tinapay na lalong nagpapasarap kapag ninanamnam.
Malasakit sa nasabing institusyon at paghahanap ng katotohanan ang nagtulak sa inyong lingkod na talakayin ang malaon na rin palang pamamayagpag ng iniuulat na kabulastugan ni Gonzales.
Maaring lingid sa kaalaman ng ating mga tagasubaybay ay napakalaki rin ng puwang at pagmamahal natin sa Lyceum of Batangas at sa pamilyang nagtatag sa naturang institusyon.
Hindi man naitatanong ay naging founding professor ng College of Criminology ang inyong lingkod nang unang buksan sa publiko ang nasabing kurso sa Lyceum na noon ay isa pa lamang kolehiyo.
Liban sa Philippine College of Criminolgy kung saan unang nagtapos ng titulo ang inyong lingkod at University of Manila, kapwa matatagpuan sa Maynila, ang Lyceum of Batangas ang kauna-unahang nagbukas ng kursong Bachelor of Science in Criminology, sa buong Timog Katagalugan, Bicol Region at iba pang panig ng bansa. Kaya paano pa ba natin hindi mamahalin at iingatan ang integridad ng eskwelahan na naging malaki rin ang bahagi sa buhay ng inyong lingkod? Kaya uulitin ko po, handa nating bigyan ng puwang sa SIKRETA ang panig ni Gonzales.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com