Advertisers
LAGUNA – Isang babaeng call center agent ang natagpuang patay sa loob ng kuwarto ng isang hotel sa Binan, Laguna.
Sa ulat ni Police Lt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng pulisya, kinilala ang biktima na si Maria Crisanta Magadia, 27 anyos, dalaga, isang call center agent at residente ng Sampaguita Village, San Pedro City.
Suspek sa pamamaslang ang kanyang boyfriend na si Roscoe Alve, may asawa, isa ring call center agent at naninirahan sa Canumay, West Valenzuela.
Sa imbestigasyon, 3:30 ng madaling araw nang madiskubre ng room attendant sa loob ng kuwarto (Room 1) ng Q18 Hotel ang bangkay ng dalaga na may taling kumot ang leeg.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng mga pulis na 6:10 ng gabi ng Sabado nang pumasok sa naturang hotel ang suspek at biktima.
Sa kuha ng CCTV camera, nakitang mabilis na lumabas ng kuwarto ang suspek 12:47 ng madaling araw bitbit ang handbag ng biktima at iniwan sa labas ng hotel. Ito ay naglalaman ng mga personal na kagamitan ng dalaga.
Sa pamamagitan ng ina na si Julita, agad nakilala ang biktima at ang suspek na si Alve na may nakabinbin pa umanong kaso ng paglabag sa RA-9262.
Hinala ng pulisya, may pinagtalunan ang biktima at suspek na nauwi sa pamamaslang. (Dick Garay)