Advertisers
INIHAYAG ni Senador “Bong” Go na dapat nang matigil ang red tape at korapsyon sa mga opisina ng gobyerno upang mas maging episyente at produktibo ang pagseserbisyo sa publiko.
Ngunit ayon kay Sen. Go, mangyayari ito kung maisasakatuparan ang ineendorso niyang e-governance platforms o mga electronic na anyo ng pagbibigay ng impormasyon at serbisyo sa mamamayan.
“Having a transparent, efficient and responsive delivery of government services is key to reducing corruption and empowering the people to exact accountability from public servants,” anang senador.
Ipinaliwanag niya na sa pamamagitan ng electronic nature ng e-governance, maihahatid nang tama sa oras, matipid at episyente ang serbisyo sa mga tao.
Mabibigyan din nito ang bawat isa ng maayos na-access sa government information nang hindi nadi-delay ang trabaho sa gobyerno.
“Hindi lamang po malaki ang magiging papel ng e-governance na maka-adapt ang bansa sa pagdating ng ‘new normal’, mas mapapabilis din po nito ang mga proseso at transaksyon sa gobyerno towards a ‘better normal’ when it comes to government service delivery,” ani Go.
Dahil dito, sinabi ni Go na mas magiging maluwag ang paghahatid ng serbisyo sa mga tao at mas magiging komportable po ang kanilang mga pang-araw araw na transaksyon sa gobyerno.
Sa tulong aniya ng e-governance, malulutas ang mga isyu gaya ng red tape at katiwalian na resulta ng mabagal na gawain sa mga sangay ng gobyerno.
Bukod sa maiiwasan ang face-to-face transactions dahil sa COVID-19, mababawasan din ang personal interaction na madalas nagiging sanhi ng red tape at korapsyon sa gobyerno.