Advertisers
ISANG araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, kinumpiska ng mga pulis ang mga kopya ng Pinoy Weekly, may tanggapan sa Barangay Siling Bata, na umano’y naglalaman ng puna at batikos sa gobyerno at inaresto ang dalawang tao dahil sa hindi paggamit ng facemask.
Kinilala ang mga dinakip na sina Rosalita Fortaleza, 54; at Buenavil Fortaleza, kapwa residente ng Villa Lois, Brgy, Siling Bata.
Sa report, napansin ng mga rumorondang pulis ang dalawang inaresto 1:30 Linggo ng madaling araw na naglalakad sa kalsada ng walang suot na facemask at may hawak na babasahin laban sa gobyerno kung kaya’t inaresto ang mga ito at kinumpiska ang mga kopya ng dyaryo.
Samantala, plano ng pamunuan ng Pinoy Weekly na magsampa ng kaso sa tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) laban sa mga pulis na walang legal na dokumento para pasukin ang publication.
Iginiit ni Kenneth Roland Guda, publisher ng Pinoy Weekly, na labag sa kalayaan ng pamamahayag ang ginawang pagkumpiska ng pulis sa kopya ng kanilang pahayagan.
Aniya, hindi naglalaman ng laban sa gobyerno ang kanilang dyaryo at pumupuna lamang ito sa pamahalaan batay sa journalistic ethics and standard.
Sinabi ni Guda na hindi niya kilala ang mga inaresto, nguni’t posibleng subscribers nila ang mga ito.
Aniya, taon 2002 pa sila nagsimula mag-imprenta ng weekly newspaper at sumusunod ito sa batas at kumpleto sila ng mga kaukulang dokumento.
Samantala, nilinaw ng Region III Police na ang mismong lider ng urban poor group Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Pandi, Bulacan ang nag-surrender ng mga dokumento taliwas sa mga ulat na sinalakay ito ng mga awtoridad.
Sinabi ni Police Regional Office III chief Police Brigadier General Rhodel Sermonia, hiniling ni Pandi Kadamay leader Lea Maralit kasama ang anim pang Kadamay members sa mga pulis na magtungo sa Model House, Villa Louis sa Barangay Siling Bata para kuhanin ang mga dokumento.
Kinilala ang iba pang miyembro na sina Marilou Iligan, Jeselyn Jasadon, Beth Guerrero, Carmie Dela Cruz, Niel Villamor, at Gina Peyil.
Lahad ni Sermonia, sinabi ni Maralit na takot siyang magamit ang ‘subversive documents’ sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni President Rodrigo Duterte. (Thony Arcenal)