Advertisers
BINULABOG na naman ang mga Filipino ng isyung korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) nang tukuyin ng isang legal officer sa ahensiya ang korapsyon bilang isa sa dahilan ng kanyang pagbibitiw.
Walang bago sa sinabi ni Atty. Thorrsson Montes Keith sa kanyang liham kay Ricardo Morales, pangulo at chief executive officer ng PhilHealth.
Ang naiba lang ay naidiing “malaganap ang korapsyon” sa PhilHealth.
Hindi nagbigay ng detalye si Keith.
Nakarating kay Pangulong Rodrigo Duterte ang nilalaman ng liham ni Keith kay Morales, dahilan upang atasan ng pangulo ang Office of the Special Assistant to the President (OSAP) na magsagawa ito ng ‘malalim’ na imbestigasyon.
Nakarating din sa Senado, kaya maghahain ng resolusyon si Senador Panfilo Lacson ng imbestigasyon sa Senado bilang “committee as a whole.”
Ang pagbibitiw ni Keith bilang legal officer ng PhilHealth Anti-Fraud Division ay resulta ng sigawan sa pulong ng mga opisyal ng PhilHealth na pinangunahan ni Morales nitong Hulyo 21 kung saan ang pinagmulan ay korapsyon.
Tahasang itinanggi ito ni Morales.
Sabi ni Morales sa media, ‘naghihiganti’ lamang si Keith dahil hindi nito nakuha ang posisyon na head executive assistant ni Morales.
Idiniin ni Morales na hindi totoong mayroong korapsyon sa PhilHealth, kundi “inefficiency” sa pangangasiwa ng pamunuan.
Kinumpirma ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na korapsyon nga ang pinagtalunan sa pulong ng mga opisyal ng PhilHealth.
Ayon sa Commission on Audit (COA), sobra ng P98 milyon ang P2.1 bilyon ang information technology (IT) project ng PhilHealth.
Sabi ng COA, isa sa mga nilalaman ng P2.1 bilyong halaga ng proyekto ay P734 milyon ang presyo.
Ngunit, nadiskubre ng COA na sobra ng P98 milyon ang presyo.
Uulitin ko po – P98 milyon ang sumobrang pera.
Pokaragat na ‘yan!
Ang proyektong ito ay instrumento ng PhilHealth na panlaban sa katiwalian at korapsyon sa nasabing ahensiya, saad ng COA.
Pokaragat na ‘yan!
Iba pa ito sa binanggit ni Lacson na mga proyektong milyun-milyon ang halaga na pinagkakitaan ng mga korap na opisyal at kawani sa PhilHealth.
Ilang linggo bago italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Morales sa pagiging pangulo at CEO ng PhilHealth, putok na putok ang PhilHealth dahil sa walang tigil na balita ukol sa korapsyon sa nasabing ahensiya.
Upang masugpo at tuluyang masawata ang korapsyon sa PhilHealth, si Morales ang naging ‘solusyon’ ni Duterte.
Si Morales ay bagong retiradong heneral mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) nang ibigay sa kanya ang PhilHealth noong Hulyo 2019.
Isang taon ang nakalipas, multimilyon ang pinag-uusapan at pinagtalunang pera ng mga opisyal ng PhilHealth.
Pokaragat na ‘yan!
Napakatagal na ang problema ng katiwalian at korapsyon sa PhilHealth, ngunit walang nangyayari.
Sana, sa isasagawang imbestigasyon ng OSAP at Senado ay mayroon nang matukoy, makasuhan at makulong na mga opisyal at kawani ng PhilHealth na ubod nang takaw sa pagnanakaw ng pera sa pamahalaan.
Kung wala ay walang dudang panibagong pagsasayang ng pera, oras, panahon at pagod ng mga taong gustong malaman at matukoy ang katotohanan sa kademonyohang nagaganap sa PhilHealth.