Advertisers
SIYAM na locally-stranded individual (LSI) na naghihintay ng masasakyan pauwi sa kanilang mga lalawigan sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila ang nagpositibo sa rapid test para sa coronavirus disease (COVID-19).
Ito ay kinumpirma ni Hatid Tulong Program lead convenor Joseph Encabo, kasabay ng pahayag na hiniwalay na nila at inilagay sa isolation ang mga nagpositibo sa virus.
Kaagad din umanong isinailalim sa swab test para sa confirmatory test ang mga nagpositibo sa rapid test para makumpirma kung sila ay positibo sa COVID-19 at kung magpopositibo ay dadalhin sila sa quarantine facility habang ang mga magnenegatibo naman ay papayagang bumiyahe kasunod ng assessment ng doktor.
Nasa may 3,800 LSI na ang napauwi ng Hatid Tulong Program nitong linggo.
Habang may 1,200 ang uuwi sa Caraga region na sama-samang nakikisilong sa Rizal Memorial Stadium.
Nalaman kay Encabo, naantala ang biyahe ng mga LSI nang magkaroon ng cut-off ang mga local government unit at sinabayan pa umano ng pagkakaroon ng cut-off sa pagdami ng mga tao sa stadium dahil dumagsa ang mga walk-in na gustong umuwi rin ng kanilang mga probinsiya.
Ipinaliwanag ni Encabo na naging mahirap ang pagsunod ng physical distancing sa loob ng stadium dahil sa pagbagsak ng ulan at kinakailangan na maisilong silang lahat.
Naging maayos din naman kalaunan at naipatupad na rin ang social distancing sa loob ng stadium. (Andi Garcia)