Advertisers
KUNG ihahambing ang COVID-19 patient, talagang lugmok na ang kalagayan ng ating ekonomya; kumbaga, hirap na hirap sa paghinga, at walang makitang bakuna o gamot na makapagpapagaling.
Yan ang inaasahan nating magiging topic o paksa ng ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Rodrigo Roa Duterte.
Sana sa talumpati niya, ianunsiyo niya ang kusang pagre-resign ni Department of Health (DoH) Secretary Francisco Tiongson Duque III na ewan kung saan kumukuha ng hiya, sa kabila ng maraming sigaw, maraming hiling ng taumbayan, ng mga senador at kongresman at maging ng mga nasa health sector, kapit-tuko pa rin sa puwesto.
‘Yung COVID-19 explosion sa Cebu, ibinigay na ng Pangulo kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu at nakanganga lang si Duque na tuwing masisita sa maraming kapalpakan sa response ng DoH sa mga reklamo ng biglang pagdami ng mga nagkakasakit ng virus at paglobo ng mga namamatay, ang mga tauhan niya ang sinisisi.
‘Yung kontrol ni Duque sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, inalis na rin sa kanya; marami nang nag-resign sa DoH sa malaking dismaya sa kanya, pero si Duque, pakuya-kuyakoy lang at pakaang-kaang
Nawalan na yata ng kahihiyan.
Ayon sa ating insider, mas maikli ang speech ni Presidente Duterte sa SONA niya na tungkol sa pagbalasa ng Gabinete; ang tungkol sa pagpapalakas ng ekonomya, pagbibigay ng livelihood at ang tuloy na pagbubukas ng klase sa kabila ng banta ng COVID-19.
Tungkol sa pagtutuloy ng naantalang ‘Build, Build, Build’ project ay babanggitin din at ang kahilingan niya na madagdagan ang COVID budget dahil ubos na ubos na ang pondo na unang ibinigay sa kanya.
Sana, utusan niya ang law enforcement at ang mga korte na madaliin ang pag-uusig at pagpaparusa sa mga nabulsa ng ayudang Social Amelioration Program (SAP) at ang mga LGUs na nagsamantala sa calamity fund.
Ang daming biglang yaman sa mga “kupitanes,” mga mayor at gobernador at mga taga-Department of Social Welfare and Development.
Maganda sana ang ekonomya natin noong wala pang pandemya na kahit ang mayayamang bansa tulad ng US, Germany, Japan at iba pa ay lugmok sa hirap.
Sasabayan ng protesta, na dati nangyayari sa tuwing SONA ng Pangulo.
Kapag nangyari ‘yan, di malayong dumami ang magkakasakit at mamatay sa COVID-19.
Pero mapapasaya tayo ng Pangulo kung pagbibitiwin niya si Duque at ang maraming palpak na opisyal sa kanyang Gabinete, at mga opisyal ng iba-ibang ahensiya ng gobyerno.
***
Panahon na para amendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), kasi imbes na mapababa ang singil sa koryente, lalo lamang tayong kinukuba ng Meralco at ng iba pang power producer.
Kungdi pa binakbakan ng ilang kongresista at senador, patuloy tayo na sisingilin sa system loss, distribution loss na mahigit nang 20 taon na tayo ang nagbabayad.
Isipin nyo, nagnakaw ang kapitbahay mo ng koryente, ikaw ang sisingilin; nandaya sa kunsumo ng koryente ang malalaking kompanya na nagkamal ng malaking tubo, tayo ang tagabayad.
Tapos, ang kapal ng Meralco na hindi pa nire-refund ang P29.6 bilyon na sobrang siningil na distribution charges noon pang 2013-2016.
Nagpatupad pa ang Meralco ng unjust power rates noong 2013, na tulad ng Maynilad at Manila Water ay sinisingil tayo ng pagkalugi nila.
Nalulugi raw pero bilyon-bilyong piso naman ang irereport na tubo nila bawat taon?
Kungdi sobrang kawalanghiyaan nitong Meralco, Maynilad at Manila Water pati ang kanilang income taxes, tayong consumer pa rin ang nagbabayad.
Alam ba nyo na pati ang operasyon mismo ng kompanya ng Meralco, Maynilad at Manila Water, isinasama sa ating electric at water bill?
Pati ang value added tax na sila ang dapat na magbayad, tayo ang nagbabayad.
May prangkisa ang Meralco kaya dapat na busisiin ang operasyon nito at baka may mga violation na nalalabag.
Ano ang nangyari sa banta ng Pangulo na ite-take over ng gobyerno ang Maynilad at Manila Water … best friend na ba niya sina Pagilinan at Ayala?
Sana, ianunsiyo ni Tatay Digong na babawiin na ng gobyerno ang water distribution contract ng Maynilad at Manila Water.
Pati na rin ang operasyon ng Meralco, sana nang maging masaya naman tayo kahit nananalasa pa ang COVID-19 pandemic.
Yan ay ang simpleng “wish” ko lang na marinig sa ika-5 SONA ng Pangulo ngayong Lunes.
Yan ang mga “sana” natin sa SONA niya.
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.