Advertisers
MALAKING halaga ng salapi ang dumarating sa mga pulitikong protector umano ng POGO sa bansa. Mukhang ito ang dahilan kung bakit hindi matinag-tinag ang mga kumpanyang POGO sa kanilang kinatatayuan. Malakas ang kanilang kapit. Sadyang protektado sila.
Dahil protektado ng maimpluwensiyang mambabatas, kasama na ang isang senador na malapit kay Rodrigo Duterte, hindi malalim ang nakalipas na imbestigasyon ng Senado sa mga POGO. Naputol ang pagsisiyasat ng Senate Blue Ribbon Committee ni Dick Gordon dahil sa pandemya at lockdown. Hindi ito tuloy-tuloy.
May ilang lumabas na detalye tungkol sa mga kalokohan sa operasyon ng mga POGO dito tulad ng money laundering at ilegal sex na kinasasangkutan ng mga Filipina na nagbebenta ng aliw sa mga Chinese mainlander na trabahador sa mga kumpanyang POGO. Dahil hindi matuloy ang pagsisiyasat, walang maibigay na anumang konklusyon ang komite ni Dick Gordon.
Sapagkat walang konklusyon, hindi pa nagbigay ang komite ni Gordon ng anumang panukalang batas. Pinangangambahan tuloy na mababalewala ang pagsisiyasat ng komite. Sa maikli, hindi alam ng sambayanan, ang una at huli ng operasyon ng mga POGO. Pilit na itinatago dahil protektado ito ng sindikato ng mga mambabatas at mass media.
Habang suspendido ang imbestigasyon ng komite ni Gordon, pilit na pinababaligtad ang mga mambabatas na sumasalungat sa operasyon ng POGO sa bansa. Kung hindi makuha sa santong dasalan (himas at suhol), kinukuha nila sa santong paspasan (takutan). Dito ginagamit ang mass media bilang pangunahing kasangkapan ng panggigipit.
Kasama sa mga ginigipit ang isang mambabatas na salungat sa operasyon ng POGO. Maingay ang mambabatas na ito. Hindi siya nangingiming ilabas ang kanyang saloobin kontra sa mga POGO. Totoong binabanatan niya ang kanilang operasyon lalo ang mga aspetong illegal. Hindi siya sang-ayon sa money laundering ng mga POGO sapagkat dito nagiging legal ang mga salaping kinita sa ilegal na paraan.
Bahagi ng nakagisnan doktrina ng kanyang relihiyon ang pagtutol sa sugal. Sa kanya, gawain ng demonyo ang sugal. Pinaninindigan niya ang paniniwala na mas maganda sa mata ng Diyos ang magtrabaho na naayon sa batas at manggaling sa tulo ng pawis ang susunod na kakainin.
Ngunit may isang pahayagan na walang tigil ng pagbanat sa kanya. Hindi siya tinitigilan ng banat hanggang hindi bumigay at tumigil sa pagtuligsa sa mga POGO. Ginagamit ang pahayagan bilang kasangkapan ng blackmail.Pilit na pinipilipit ang kanyang paninindigan sa mapinsalang operasyon ng mga POGO sa bansa.
Laking pagtataka ng mamababatas kung bakit binabanatan siya kahit noong kasagsagan ng lockdown. Magkasunod namatay ang kanyang ina at kapatid, ngunit walang humpay ang pagtuligsa sa kanya. Hindi ito ugaling makatao. Sa panahon ng dalamhati dala ng pagkamatay ng mga mahal sa buhay, pansamantalang itinigil ang bangayan. Tigil-putukan muna.
Laking gulat ng mga mambabatas at mass media organization na nagbibigay proteksyon sa mga POGO na hindi nagbago ng paninindigan ang mambabatas kontra POGO. Nananatiling matibay ang kanyang paninindigan. Wala silang magawa. Isa siyang tinik sa kanilang lalamunan.
***
NAKATAKDANG ibigay ni Rodrigo Duterte ang kanyang ikalimang State-of-the-Nation Address (SONA) mamayang hapon sa bulwagan ng Kamara de Representante sa Batasan sa Quezon City. Kanyang ibibigay ang kanyang ulat kung ano ang kalagayan ng Filipinas.
Hinihintay ang buong ulat tungkol sa pagharap ng kanyang gobyerno sa mapaminsalang Wuhan Virus. Nais marinig ng sambayanan kung nasugpo na ang virus na ipinagmamalaki ng kanyang mga galamay na nasugpo na kahit patuloy na dumarami ang nagkakasakit. Gustong malaman ng maraming mamamayan kung kailan babalik ang dating sigla ng pambansang kabuhayan.
Nais malaman kung ano ang kahihinatnan ng P275 bilyon na umano sa pagsugpo ng virus at pagbigay ng ayuda sa mga mahihirap na naapektuhan ng pandemya. Hanggang ngayon walang malinaw na ulat si Duterte. Patuloy niyang iniiwasan ang pagtalakay sa usapin na ito. Hindi niya pinansin ang itadhana ng BAHO Law hanggang mawalan ito ng bisa.
Siyempre, nais rin malaman ng mga mamamayan kung ano ang plano at programa ng kanyang gobyerno sa susunod na halos dalawang taon na kanyang pamamalagi sa poder. Mayroon nga ba? Ano ang gusto niya na gagawin ng susunod na administrasyon?
***
NOONG Biyernes, kumalat ang balita na may limang presidential chopper ang pumunta sa Medical City sa Pasig City. Lumanding ang isa sa mga chopper sa helipad. Nang tanungin ang mga kinauukulan, sinabi nila na praktis lang daw iyon. Kasama sa “proficiency training” ng Presidential Security Guard.
Nakakapagtaka naman na biglang nagkaroon ng training. Ngunit may mga ilang nagsasalita na may naghihintay na emergency van sa Medical City. Ilang sandali, may dinalang pasyente ang emergency van sa Cardinal Santos Hospital na nasa karatig San Juan City. Hindi alam kung sino ang pasyente. Walang nagkumpirma.
***
MGA PILING SALITA: “The Constitution is clear on succession. It should not be violated. The succession mechanism should be protected at all cost.” – Archie Mendoza, netizen
“The President’s State of the Nation Address (SONA) usually contains important messages for every Filipino. Filipinos anticipate a SONA that would spell out the direction of this country. We expect him to articulate where he would lead us. We want him to take us to the future, so to speak. A good future, indeed. No, we don’t expect a foul-mouthed, floor spitting Chief Executive, who is no different from those carnival characters in a regular WWE professional wrestling match. We expect a SONA that will be easily understood by the simplest of our people. We expect less taunts, less expletives, less negativity. We expect a SONA that is presidential in quality. Frankly, we don’t expect him to sound like a mayor of a fifth class municipality, or a neighborhood toughie.” – PL, netizen
“What is being awaited by every Filipino in the President’s SONA is his message of national purpose. We can’t be a nation of driftwoods, being carried by the currents to nowhere. The President has to instill in us a national vision. And we will keep on hoping that the incumbent President fully knows and understands the magnitude and profundity of spelling out the national purpose. We hope the President could lead us to new heights.” –Kate Foja, netizen
***
Email:bootsfra@yahoo.com