Advertisers

Advertisers

Graduation sa Quezon ginawang house to house

0 341

Advertisers

MASAYANG ginanap ang house-to-house graduation ng Panukulan National High School (PNHS) sa Panukulan, Quezon nitong Huwebes.
Dahil bawal pa ang pagtitipon bunga ng ipinatutupad na community quarantine, naisip ng mga guro ng PNHS na magbahay-bahay nalang sila upang ihatid ang diploma ng pagtatapos ng mga estudyante sa senior high.
Ayon sa isang guro ng PNHS na si Joseph Joyosa, 41 Grade 12 students ang miyembro ng graduating class.
Gamit ang isang tricycle na nilagyan ng palamuti, inisa-isa nila ang tahanan ng mga estudyante. May sound system din sa tricycle at may musika pa na pang-graduation.
Dalawa lang daw ang available na cap at gown o toga kung kaya’t nagpalit-palitan nalang ang mga nagsipagtapos.
Nais kasi ng mga guro na maging espesyal ang araw na ito sa mga nagsipagtapos kung kaya’t gumawa sila ng paraan na maisakatuparan ito.
Ang mga estudyante na may karangalan mula sa ibang grade level ay pinuntahan din ng mga guro sa kani-kanilang tahanan upang iabot ang medalya ng pagkilala.
Masayang-masaya ang mga estudyante lalo na ang kanilang mga magulang at mga guro.
Kasalukuyang nasa Modified General Community Quarantine ang lalawigan ng Quezon.
Ayon sa guidelines na inilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), sa ilalim ng MGCQ, bawal lumabas sa bahay ang mga kabataan na wala pang 21 taon gulang.
Ito ay isa sa mga patakaran ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.  (PFT team)