Advertisers
“Nais ko ipaalala sa lahat na hindi natin pwedeng ipagkait ang karapatan ng mga Pilipino na makauwi sa sarili nilang bayan. This is why I am urging the government na unahin nila ang health protocols na dapat ligtas po ang lahat ng bumibiyahe at willing, handa po ang LGUs na tanggapin sila.”
Ito ang panawagan ni Sen. Bong Go dahil sa mga nakararating sa kanyang report na tila itinatakwil ng mga local government units (LGUs) ang mga kababayan nilang na-stranded sa Metro Manila na nais lamang makauwi sa kanilang probinsiya.
Ayon kay Sen. Go, mismong si Pangulong Duterte na ang nagsasabi na tanggapin ang mga locally stranded individuals (LSIs) sa pagsasabing kung ano man ang kanilang pangangailangan ay ibibigay ng pamahalaan.
“Sabi rin mismo ni Pangulong Duterte, ‘mga Pilipino ito, mga kababayan natin. Tanggapin ninyo. Whatever you need, we will provide. Kawawa naman. Tulungan ninyo ang mga Pilipino,” ang sabi ni Go.
“Gawin lang po ito sa ligtas at tamang paraan. Sundin palagi ang health and safety protocols at siguraduhin na maprotektahan ang mga komunidad na kanilang uuwian,” aniya.
Bilang chairman ng Senate committee on health, hinihiling ni Go sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na madaliin ang pagpoproseso ng transportasyon ng mga benepisyaryo ng Hatid Tulong program pero dapat ay naipatutupad ang estriktong health and safety protocols at pigilan ang unauthorized o unsanctioned travel initiatives.
Ani Go, gawin at ibigay ng concerned agencies ang lahat ng posibleng maibibigay na tulong sa LSIs para ligtas silang makauwi sa mga probinsiya.
“Sinabi ko naman noon pa na huwag pabayaan ang ating mga kababayan na kinakailangang umuwi sa probinsya. Tulungan natin silang makauwi pero bigyan natin sila ng maayos na sistema para hindi sila magkasakit at hindi sila nakaabang lang sa mga transportation terminals,” ani Go.
“Kawawa ang mga tao. Kaysa nakakalat sa sidewalk habang naghihintay ng masasakyan, dapat asikasuhin sila ng national government agencies. Alagaan natin sila, bigyan ng pagkain, maayos na masisilungan, at huwag hayaang magkumpol-kumpol para rin maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit,” ang dagdag ng senador.
Ayon sa mambabatas, dapat na unahin palagi ang kapakanan at buhay ng mga Pilipino at huwag na parang itinatakwil o pinandidirihan sa kagustuhang makapiling ang mga mahal sa buhay sa probinsya.
“Nasa gitna pa po tayo ng pandemya. Magtulungan tayo para hindi mas mahirapan ang taumbayan. Tulungan natin ang mga naghahanap ng paraang makauwi sa paraan na hindi sila mailalagay sa alanganin. Huwag ninyong pabayaan,” ayon sa senador.
Matatandaang sinuspinde ng pamahalaan ang Balik Probinsiya program para makapagpokus ang gobyerno sa Hatid Tulong, isang inisyatiba na layong maiuwi ang mga indibidwal, turista, estudyante at OFWs na na-stranded sa Metro Manila. (PFT Team)