Advertisers
BINASURA ng Manila Regional Trial Court, Branch 46, ang motion for partial reconsideration na inihain ni Reynaldo Santos Jr., Maria Angelita Ressa at Rappler Inc. na humihiling na balewalain at baligtarin ang ipinalabas na desisyon noong Hunyo 15, kaugnay sa kasong cyber libel na isinampa ng negosyanteng si Wilfredo Keng.
Sa ipinalabas na order ni Manila RTC Branch 46 Judge Rainelda Estacio Montesa, ibinasura nito ang mosyon dahil sa kawalan ng merito.
Nanindigan ang Hukom sa kanyang desisyon na nagkaroon ng republication at ang prescription ay hindi pa napapaso sa inilathalang artikulo laban kay Keng noong 2012.
Sinabi rin ni Montessa na alinsunod na rin sa ruling ng SC, ang cyber libel provision ay constitutional.
“As an endnote, the court want to reiterate that the court is mandated to decide solely on the basis of evidence presented by the parties and to apply law, nothing more, nothing less,” nakasaad pa sa order ni Montessa.
Una nang hinatulan ng korte si Ressa at Santos ng minimum na anim na buwan at 1 araw hanggang sa maximum na 6 na taong pagkabilanggo.
Inatasan din si Ressa at Santos na magbayad ng tig-P200,000 para sa moral damages at P200,000 exemplary damages kay Keng sa sandaling maging pinal na ang hatol ng korte.
Ang mga akusado ay nananatiling nakalalaya sa bisa ng piyansa hanggang hindi nagkakaroon ng pinal na desisyon ang Supreme Court. (Andi Garcia)