Advertisers
IPINAGTANGGOL ni Jessy Mendiola ang nobyong si Luis Manzano laban sa sabi-sabing kasama ito sa Kapamilya stars na nagsasawalang-kibo o nananahimik lang sa pagsasara ng ABS-CBN 2. Hindi kasi nagpo–post si Luis sa kanyang social media accounts ng suporta sa Kapamilya retwork. “Yung iba ay aktibong nag-post. Ang iba, sumama pa sa noise barrage sa ABS-CBN headquarters sa Mother Ignacia Street, Quezon City. Sa Instagram Story ni Jessy nitong Martes, July 21, ipinagmalaki niyang tahimik na nag-oorganisa ng job fair si Luis kasama ang ilang kaibigan.
Ang job fair ay para raw sa mga empleyado ng ABS-CBN na naapektuhan sa pagsasara ng network.
“This man has been working the phone for the past three days,” caption ni Jessy sa candid shot niya kay Lu.
“Meron siyang ginawang job fair group kasama ang iba niyang mga kaibigan para mailipat at makatulong sa ibang kapamilya employees na nawalan ng trabaho,” patuloy ni Jessy. Sinabi pa ng aktres na alam niyang hindi na kailangang ipost pa ang pagtulong ni Luis sa mga nawalan ng trabaho. Pero gusto raw ipagmalaki ng dalaga sa kanyang six million Instagram followers ang pagiging selfless ng kanyang longtime boyfriend.
“Alam ko na hindi ko na dapat ito i-post. Pero sobrang proud ako sa ’yo, love. You’ve been putting others first before yourself,” mensahe ni Jessy kay Luis.
Kuwento ng aktres, nang pumutok ang balitang tuluyan nang ibinasura ng Kamara ang franchise renewal application ng ABS-CBN, ang staff sa show ni Luis ang unang pumasok sa isip ng TV host.
“Ang pinakaunang reaksyon mo nung nahatulan ng denial ang franchise renewal ‘paano yung staff ko?’ (meaning paano daw yung staff niya sa mga shows niya?)”
Bago nawala sa ere ang ABS-CBN, hinu-host ni Luis ang music game show na I Can See Your Voice.
Bukod dito, isa si Luis sa hosts ng reality singing competition na The Voice Teens, at kabilang sa mga bida sa weekly sitcom na Home Sweetie Home. (Rommel Placente)