Advertisers
Iminungkahi ng House Asst. Majority Leader at ACT-CIS Partylist Representative Niña Taduran na ilipat na sa mga pagamutan sa kalapit lalawigan ang mga pasyenteng hindi na matanggap sa mga ospital sa Metro Manila
Kasunod ito ng anunsyo ng ilang ospital sa Metro Manila na hindi na umano kayang tumanggap pa ng dagdag na pasyente lalo na ang mga COVID-19 patients dahil puno na ang kanilang mga emergency room at ward.
Maaari aniyang gamitin ang One Hospital system ng DOH para malaman kung saan puwedeng dalhin ang mga pasyente.
Hindi rin naman aniya puwedeng magdagdag lang basta-basta ng COVID-19 beds ang Metro Manila hospitals nang hindi daragdagan ang mga healthcare workers.
Nakarating sa mambabatas ang ilang ulat na may ilang severe COVID-19 patients ang naghihintay lamang sa Emergency Room dahil puno na ang mga COVID-19 wards at ICU, habang may ilan na pinapauwi na lamang.
Kasabay nito ay hiningi ni Taduran ang kooperasyon ng mga pinuno ng local government units sa mga lugar ng ospital na paglilipatan ng mga pasyente.
Hinimok din ng mambabatas ang DOH na magdagdag ng suplay ng gamot tulad ng Tocilizumab at magsagawa ng blood donation drive upang mapunan ang umuunting suplay ng mga gamot at dugo para sa mga pasyenteng nasa ospital ngayon. (Henry Padilla)