Advertisers

Advertisers

Bishop Bacani nagpahayag ng pag-asa sa SONA ni Pres. Duterte

0 430

Advertisers

NAGPAHAYAG ng pag-asa ang isang retiradong obispo ng Simbahang Katolika na isang Pangulong Rodrigo Duterte, na bilang lingkod ng bayan, ang siyang haharap sa publiko para sa idaraos na ikalimang State of the Nation Address (SONA) bukas, Hulyo 27.
Ayon kay Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr., bilang lingkod ng sambayanan ay ihayag nawa ng Pangulong Duterte ang tunay na kalagayan ng bansa lalo na ngayong panahon ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Huwag magpapakita ng dictatorial tendencies. At Harinawa, ay walang mura. Narinig ko si President Duterte noon, dinig na dinig ko sabi niya, ‘I have been humbled by this virus.’ Iyon ang gusto kong makita. Isang ‘humble president’ na nagsasalita sa kanyang bayan bilang lingkod sa mga mamamayan, at hindi parang amo ng mga mamamayan,” dagdag pa ni Bacani, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Hangad din aniya niya na mailahad ng pamahalaan ang mga programa upang tugunan ang kasalukuyang krisis at kung paano ibabangon ang bansa bilang isang bayan na nagkakaisa.
“Mga realistic measures para sa ganoon, ay makabangon tayo muli bilang isang bayan na nagkakaisa, hindi nagkakawatak-watak, at hindi winawatak-watak ng mga namumuno,” anang Obispo.
Sa kabila nito, aminado ang Obispo na may agam-agam pa rin siya na kabilang sa magiging talumpati ng pangulong Duterte ang pagpapatupad ng Anti-terrorism Law sa kabila ng kawalan ng implementing rules and regulations (IRR).
“Ano’ng inaasahan at kinatatakutan? Ang inaasahan ko’ng marinig sa Lunes, sapagkat State of the Nation Address iyan, ay dapat naman talagang isiwalat ano ang kalagayan natin sa bansa?
Iyong totoo. Walang palabok. Sabihin talaga kung ano ang nangyayari sa bansa, iyon ang inaasahan ko. Ikalawa, ang ikinatatakot ko na sabihin niya ay kung sasabihin ipaiiral na ang Terrorism Law kahit wala pang mga implementing rules and regulations,” aniya pa.
Una na ring nagpahayag ng pagtutol ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pagpapatupad ng anti-terror law na sa ngayon ay may 13-petisyon nang isinumite sa Korte Suprema na kumukwestiyon sa legalidad ng batas. (Andi Garcia)